Standings W L
Benilde 8 2
San Beda 7 3
Mapua 7 3
Letran 6 5
EAC 5 5
LPU 5 5
Perpetual 5 6
JRU 3 7
Arellano 3 7
SSC-R 2 8
Mga laro ngayon:
(FilOil EcoOil Centre)
12 n.n. – Lyceum vs San Beda
2:30 p.m. – EAC vs Mapua
TARGET ng Mapua University ang solo second spot sa pagsagupa sa Emilio Aguinaldo College sa second round ng NCAA men’s basketball tournament ngayong Martes sa FilOil EcoOil Centre.
Nakatakda ang salpukan ng Cardinals at Generals sa alas-2:30 ng hapon matapos ang banggaan ng defending champions San Beda Red Lions at Lyceum Pirates sa alas-12 ng tanghali.
Tangan ng College of St. Benilde ang solong liderato na may 8-2 record kasunod ang San Beda (7-3), Mapua (7-3), Letran (6-5), EAC (5-5), Lyceum (5-5), University of Perpetual Help System DALTA (5-6), Jose Rizal University (3-7), Arellano University (3-7) at San Sebastian College-Recoletos (2-8).
Galing ang Cardinals sa 75-71 pagdispatsa sa Heavy Bombers kung saan kumana si Yam Concepcion ng career-high 19 points, habang nagdagdag si reigning MVP Clint Escamis ng 14 points.
“Walang kapalit ‘yung sipag eh, and so nandito na siya, nabigyan na siya ng chance. So tuloy-tuloy lang,” wika ni coach Randy Alcantara patungkol kay Concepcion na kumalawit din ng 9 rebounds.
Nagmula naman ang Generals sa come-from-behind 78-70 win laban sa Altas, tampok ang paghabol mula sa 24-point deficit, 20-44, sa second period.
Sa unang laro ay asam din ng Red Lions na masolo ang ikalawang puwesto sa pagharap sa Pirates.
Pinataob ng San Beda ang Arellano, 79-65, habang ginapi ng Lyceum ang Letran, 91-68, sa kanilang mga huling laro.