AABOT na sa 2,000 benepisyaryo ang nabigyan ng San Miguel Corporation ng buwanang cash assistance sa lalawigan ng Cavite sa ilalim ng programang P500-M ‘Handog Tulong Pinansyal Para sa Mangingisda.”
Sinimulan ng San Miguel Aerocity Inc. (SMAI) ng SMC ang programa matapos ang buwanang food assistance para sa 8,000 pamilya ng mga mangingisda sa mga bayan ng Rosario, Tanza, Naic, at Ternate.
Ang programa ng kompanya ay sang-ayon na social and environmental performance standards ng International Finance Corporation (IFC) para sa New Manila International Airport (NMIA) project na itatayo sa Bulakan, Bulacan.
Sa ilalim ng programa, mga 5,000 pamilya ng mangingisda ang mabibigyan ng buwanang cash assistance na P5,000 hanggang sa matapos ang operasyon ng kompanya sa San Nicolas Shoal sa susunod na taon o taong 2024.
Nasa 1,074 pamilya mula sa Tanza at 658 na may-ari ng mga bangka na gamit sa pangingisda mula sa Rosario ang inisyal na nailista sa programa matapos ng sarbey at proseso ng selection at validation ng mga lokal na opisyal at mga lider ng grupo ng mangingisda.
Popondohan din ng SMAI ang Social Development Management Program (SDMP) para sa naturang mga lugar na may mga kurso tulad ng garment production at soap making, scholarships para sa mga anak ng mangingisda, at construction-based training sa pakikipagtulungan sa Technical Education Skills and Development Authority (TESDA).
May mga programa rin ang kompanya upang mabigyan ng hanapbuhay ang mga kasapi sa apektadong komunidad at maging ang kanilang mga kapamilya sa airport project.
Sa tulong ng mga eksperto ay bibigyang atensiyon din ng SMAI ang programa para sa site rehabilitation at restoration para maibsan ang epekto ng proyekto sa kapaligiran.
Makikipagtulungan din ang kompanya sa isang third party organization at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang pag-aralan kung paano mapararami pa ang huli ng isda sa naturang shoal matapos ang operasyon ng Boskalis na kontraktor ng SMAI.
Sa kasalukuyan, ang SMAI lamang ang naglatag ng mga programa para sa cash at food assistance sa mga apektadong komunidad mula mga kompanya na may operasyon sa San Nicolas Shoal.
“We are constantly in touch with local government officials, and concerned national agencies to ensure that all needed measures and assistance for affected fisherfolk communities are implemented immediately and consistently during our operations, and with further emphasis on mitigating the impacts to the immediate environment during and even after our operations,” wika ni Ramon S. Ang, SMC President and Chief Executive Officer.