THUMBS UP tayo sa sipag ngayon ng mga taga-Department of Transportation (DOTr).
Sa paggabay ni DOTr Secretary Arthur Tugade, pagsusumikap ng CAAP, at pakikipagtulungan ng DPWH at ng lokal na pamahalaan ng Ormoc at Leyte province — mas maayos at mas pinaganda na ang paliparan ng Ormoc.
Bukod sa ni-renovate na PTB, mayroon pang itinayong CAAP administration building para sa mas maayos na transaksiyon!
Matapos ang rehabilitasyon, lumawak na ang buong paliparan sa 1,350 square meters mula sa dating 150 square meters lamang.
Nakumpleto na rin ang iba pang pasilidad sa paliparan gaya ng vehicular parking area, power supply, at air-conditioning system.
Aba’y kapuri-puri ‘yan!
o0o
Nagiging paspasan umano ang konstruksiyon ng maraming infrastructure projects para gumawa ng maraming lansangan, tulay, subway at riles ng tren para mapabilis na daloy ng transportasyon para marating ang iba’t ibang lalawigan ng bansa.
Ito ang pangako ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanilang tutuparin sa loob ng nalalabing tatlong taon ng kanyang administrasyon. Tinawag nila itong “Golden Age of Infrastructure” na paglalaanan ng pondong pitong (7) trilyong piso.
Ang paksang ito ay tinalakay sa Infrastructure Congress and Expo Philippines (ICEP) na idinaraos kamakailan sa World Trade Center. Naimbita ang inyong lingkod para maging moderator sa ginanap na panel discussion.
Sa mga nakalinyang infrastructure projects ng administrasyong Duterte para mapabilis ang government spending at ang paglago ng ekonomiya ng bansa, tinukoy nina Transportation Secretary Arthur Tugade, Public Works Secretary Mark Villar at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) Chairman Vince Dizon ang malalaking infrastructure projects na gustong ipatupad sa loob ng anim taon.
Solusyon din daw ito sa kakulangan ng trabaho, pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin, at mas mabilis na transportasyon.
Ayon kay Secretary Villar, target ng gobyerno na itaas sa 5-7% ng Gross Domestic Product ang infrastructure spending ng gobyerno mula sa average na 2.2% sa mga nakalipas na administrasyon.
Ang “battlecry” na susundin ng gobyerno ay “build, build, build,” ibig sabihin ay hindi hihinto ang pagtatayo ng infrastructure projects 24 by 7 para gawin ang railways, urban mass transport, airports, seaports, mga tulay at kalsada, at mas magagandang mga lungsod o green cities.
Ilan sa malalaking proyekto ang tulay na magdudugtong sa Iloilo, Guimaras, Negros, at Cebu; Manila Clark railway project, Mindanao Railway, Regional Airport Development, Ro-ro port development at ang Clark Green City.
Tiniyak ng mga kalihim ang transparency ng mga proyekto ng pamahalaan dahil gusto anila ni Pangulong Duterte ang malinis na gobyerno.
Sinabi nilang ipatutupad nila ang “freedom of information portal” at dito ilalabas ng gobyerno ang lahat ng transaksiyon ng gobyerno mula sa mga kasunduan hanggang sa pondong ginastos sa mga proyekto.
Bagama’t sinasabing “ambitious projects” na matatawag ang mga planong pagawaing-bayan, umaasa tayo na maisakatuparan ito basta’t huwag lamang mabahiran ng talamak na katiwalian sa pamahalaan.
Comments are closed.