BUMILIS pa ang inflation rate sa bansa noong Marso sa gitna ng mas mabilis na pagtaas sa presyo ng pagkain at transportasyon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang press briefing, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na ang inflation ay bumilis sa 3.7% noong nakaraang buwan mula 3.4% noong February 2024.
Gayunman, ang inflation rate noong Marso ay mas mabagal kumpara sa 7.6% rate na naitala sa kaparehong buwan noong 2023.
Dahil dito, ang year-to-date inflation print ay nasa 3.3%, pasok sa government target na 2% hanggang 4%.
Swak din ito sa 3.4%-4.2% pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa nasabing panahon.
Ayon kay Mapa, ang pangunahing contributor sa pangkalahatang pagtaas ng inflation noong nakaraang buwan ay ang Food and Non-Alcoholic Beverages index na nagtala ng inflation rate na 5.6% mula 4.6% noong February.
Nag-ambag ito ng 76.4% sa overall inflation rate increase para sa buwan.
“Faster upticks in Transport index at 2.1% from 1.2% month-on-month as well as Restaurants and Accommodation Services at 5.6% from 5.3% a month earlier also contributed to March’s inflation uptrend,” ayon sa PSA.
Gayundin ay bumilis ang food inflation sa 5.7% mula 4.8% noong February.
Ang pangunahing dahilan ay ang bigas na nagtala ng inflation rate na 24.4%, mas mabilis sa 23.7% noong February.
Ito rin ang pinakamabilis na inflation print para sa bigas sa loob ng 15 taon nang maitala ito sa 24.6% noong February 2009.
Tumaas din ang meat inflation sa 2% mula 0.7% month-on-month.