MAKARAANG makansela ang kanyang ika-5 professional fight na nakatakda ngayong buwan, itutuon ngayon ni Eumir Felix Marcial ang kanyang buong atensiyon sa kanyang Olympic gold medal dream, ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.
“Eumir will be coming home from the US as soon as possible and to join the national boxing team and work on his Australian visa,” sabi ni Tolentino.
Si Marcial ay sasama sa training camp ng national team simula sa September 1 sa Canberra.
Ang laban ni Marcial ngayong August ay nakansela at naurong sa September, na magkakaroon ng conflict sa Hangzhou Asian Games na lalarga sa September 23-October 8.
Inayos ni Tolentino ang availability ni Marcial para sa Asian Games — isang Paris Olympics qualifier— sa kanyang promotion MP Promotions, na ang presidente na si Sean Gibbons, ay pumayag na i-write off ang training expenses ng Tokyo Olympics bronze medalist para sa kanyang dapat sana ay ika-5 pro fight sa US.
Ang professional boxers ay sinisingil ng training expenses na halos laging ibinabawas sa kanilang guaranteed fight purse.
“Sean [Gibbons] readily agreed that Marcial focuses on Hangzhou and go after his Olympic dream,” sabi ni Tolentino.
Gayunman ay magiging mabigat ang kampanya ni Marcial sa Hangzhou.
Una ay lalaban siya sa 81 kgs (light heavyweight) dahil ang 71-kg class (middleweight) kung saan siya nanalo ng bronze sa Tokyo ay inalis sa Hangzhou program.
At pangalawa, kailangan niyang umabot sa finals makaraang pagpasyahan na tanging ang boxing finalists sa Hangzhou ang magku- qualify sa Paris— hindi na ang traditional semifinals cut off.
Batid ni Marcial ang hamon at nangakong gagawin ang lahat para sa kanyang Olympic dream
“It’s now or never,” ang 27-year-old boxer mula Zamboanga City, na hindi pa natatalo sa apat na pro fights.
-CLYDE MARIANO