MULA sa matagumpay na kampanya sa Tokyo Olympics, balik sa kanyang tungkulin sa Philippine Air Force si boxing bronze medalist Eumir Marcial at bahagi ng kanyang adhikain ay ang makatulong sa kapwa at mga kasamahan.
Sa pakikipagtulungan ng Chooks-to-Go, pinangunahan ni Marcial ang ‘Air Force Community Pantry’ sa Bagumbayan, Quezon City kung saan namahagi ang grupo ng packed meals at Chooks dressed chicken sa mga residente na apektado ng lockdown dulot ng pandemya.
“Sobrang saya ko po ngayon dahil nakapag-share po ako sa ating mga kababayan,” pahayag ni Marcial. “Kumbaga hindi lang po during na lumalaban ako na na-inspire ko sila pero sa ganitong bagay, naparamdam ko ‘yung pasasalamat ko sa kanila. Nagpapasalamat ako kay boss Ronald [Mascariñas] at sa Chooks-to-Go dahil sinuportahan nila ako.”
Nagsagawa rin ng hiwalay na community pantry ang katropa na si Hidilyn Diaz.
Ikinalugod ni Marcial ang kaganapan, higit at nagbabalik-gunita sa kanya ang mga panahon na kabilang ang kanyang pamilya sa mga nakatatangap ng ayuda sa Zamboanga City.
“Dati po, ganito rin kami,” pahayag ng pambato ng Lunzaran. “Pumipila kami sa mga bigasan na nagbibigay.”
“Ngayon, kami naman ‘yung tumutulong sa ating kababayan. Walang imposible kung tayo ay magsipag at manalangin,” dagdag pa niya.
Hinikayat ni Marcial ang mga Pinoy na maging matatag sa paglaban sa mga suliranin at asahan na may mga katulad niya at ng Chooks-to-Go na handang magbigay ng tulong at suporta.
“Sa panahon po ngayon, huwag tayo mawalan ng pag-asa. Nandito po ‘yung Philippine Air Force para mag-alalay sa atin at nandito rin ‘yung Chooks-to-Go na tumutulong din sa mahihirap,” aniya. “Tayong mga Pilipino, lalaban po tayo. EDWIN ROLLON
Comments are closed.