MARCIAL PASOK SA OLYMPICS

Eumir Marcial

INANGKIN ni Eumir Marcial ang isang puwesto sa 2020 Tokyo Olympics nang gapiin si Byamba-Erdene Otgonbaatar ng Mongolia sa Asia and Oceania boxing qualifiers sa Amman, Jordan noong Linggo (Lunes sa Manila).

Nanalasa si Marcial sa 3rd round upang magwagi via referee stop contest laban kay Otgonbaatar para sa isang semifinals berth sa men’s middle-weight (75kg) event na nagbigay sa kanya ng ticket sa Olympics.

Sinamahan ng 24-year-old pug sina pole vaulter EJ Obiena at gymnast Carlos Yulo na nagkuwalipika para sa quadrennial meet na nakatakda sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9.

Nagpalitan ng suntok sina Marcial at Otgonbaatar sa pagsisi­mula ng opening round, na nagtapos na pabor sa Filipino top seed.

Bagama’t nagawang makatama ni Marcial sa katawan ng Mongolian upang makontrol ang 2nd round, binigyan siya ng mga judge ng 4-1 papasok sa final round.

Dismayado sa resulta ng 2nd round, nagpakawala si Marcial ng mas malalakas na suntok na yumanig kay Otgonbaatar sa final round.

May 45 segundo ang nalalabi, itinigil ng referee ang laban, na naghatid kay Marcial sa Tokyo Olympics at sa tournament semifinals.

Comments are closed.