MARCIAL SABAK MUNA SA 2 PRO FIGHTS BAGO MAG-OLYMPICS

Eumir Marcial

MATAPOS na matupad ang kanyang layunin na makapasok sa Paris Olympics, babalik si Eumir Marcial sa US upang manatiling aktibo bilang isang professional fighter.

Nakuha ni Marcial ang kanyang ticket sa Summer Games sa susunod na taon sa pamamagitan ng silver medal finish sa 19th Asian Games men’s boxing. Ang Asiad ay nagsilbing qualifier sa Olympics.

Kailangang tuparin ni Marcial ang kanyang contractual obligations sa MP Promotions at planong sumabak ng dalawang beses bago ipagpatuloy ang kanyang kampanya para sa gold medal sa Paris.

“Babalik muna ako sa States para lumaban ulit as professional,” sabi ni Marcial. “Sa ngayon kasi wala pa namang tournament na amateur na sasalihan.” Sinabi ng Tokyo Olympics bronze medalist na iniiwasan niya ang putol-putol na training, at idinagdag na ang mas maraming rounds sa pro ranks ay makatutulong din sa kanyang Olympic goal.

“Malaking bagay sa akin na bumalik muna sa pros para tuloy-tuloy lang ang training ko at madagdagan ang experience ko,” aniya.