MARKETING STRATEGY NG LTFRB KINUWESTIYON NG HANAY NG JEEPNEY DRIVERS

TINAWAG  na ‘marketing strategy’ ang ginagawa ng  Land Transportation Franchisinig and Regulatory Board (LTFRB)  kaugnay sa modernisasyon ng jeepney upang mapilitan silang bumili  nito.

Pahayag ni Piston chairman George San Mateo,  at ng No to  Jeepney Phaseout Coalition,  hindi umano patas ang ‘franchise consolidation’ na ipinatutupad ng LTFRB kaugnay ng implementasyon ng modernization program sa  mga pampublikong sasakyan.

Isa lamang ito sa ipinoprotesta ng grupo ng mga jeepney driver  upang tutulan   ang  pag-phaseout sa mga jeepney na labis na makaaapekto sa kabuhayan ng maraming Filipino.

Tinukoy ni San Mateo ang LTFRB Memorandum Circular No. 2018-008 na lalong pinatibay ang tinatawag na Omnibus Franchising Guidelines ng ahensiya.

Pinuna ni Mateo na iba na ang paraan ng pamahalaan sa pagpapatuloy ng phaseout sa mga lumang jeep dahil sa pamamagitan nito ay kailangan muna silang magtayo ng kooperatiba at korporasyon bago mag-apply ng prangkisa at saka oobligahing bumili ng modernong jeepney units.

Giit nito, ang pagbuo ng isang koopera­tiba ay mabigat nang problema dahil may kaakibat itong malaking pondo bukod pa sa mga kasalukuyan nang problema ng kanilang hanay gaya ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng krudo at pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Sakali umanong hindi makasunod sa loob ng isang taon na palugit para sa aplikasyon ng bagong ruta at prangkisa nito ay ibibigay ito sa iba pang kooperatiba o korporasyon na aplikante rin sa ahensiya. NENET VILLAFANIA

 

Comments are closed.