NAGPAHAYAG kahapon ng pasasalamat sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang pamunuan ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines sa ‘overwhelming vote of confidence’ ng mga mambabatas at sa matinding suporta ng sambayanang Filipino, lalo na ang mga Mindanaoan, sa pagpapalawig ng isang taon sa Martial Law sa Mindanao.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, “The AFP will continue to uphold its mandate of defending the sovereignty of our state, upholding the integrity of our territory and protecting the democratic way of life of our people, with full respect for human rights, international humanitarian law and the primacy of the rule of law.”
“Pakaiingatan po namin ang tiwalang ito mula sa sambayanan at makaaasa po kayo na hindi ito masasayang.
Kahapon sa isinagawang joint session ay kinatigan ng mga mambabatas ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling palawigin ang martial law at suspension of the writ of habeas corpus sa Mindanao.
Sa botong 235 YES, 28 NO at 1 ABSTAIN ay inaprubahan ng Kamara at Senado ang martial law extension at suspension of the privilege of the writ of habeas corpus sa rehiyon hanggang sa katapusan ng 2019.
Sa kanyang statement sa pasimula ng joint session, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na kailangan pa rin ang martial law.
Sinabi naman ng bagong talagang AFP Chief of Staff Lt. General Benjamin Madrigal Jr. nasa mahigit 2,400 ang kalaban ng estado sa Mindanao sa ngayon.
Kabilang na rito ang Abu Sayaff Group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighter, Daulah Islamia at mga komunista.
Sa hanay ng military ay inihayag kahapon ni AFP Spokesman BGen Edgard Arevalo ang pasasalamat sa mga mambabatas sa pagpapalawig sa batas militar upang malabanan ang rebelyon sa Mindanao at mapigilan ang mga lokal na terorista sa paghahasik ng karahasan.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang pangulo lamang ang may kapangyarihang magdeklara ng Batas Militar at suspension of the privilege of the writ of habeas corpus sa anumang panig ng bansa.
Maari naman itong i-revoke ng Kongreso sa isang joint session sa pamamagitan ng majority voting.
Ang pagpapalawig ng batas militar at suspension of the privilege of the writ of habeas corpus ay nasa kapangyarihan ng Kongreso sa ilalim ng Saligang Batas pero kailangan ng request mula sa Pangulo.
Magugunitang idineklara ni Pangulong Duterte ang martial law at suspension of the privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao noong Pebrero 2017 dahil sa pagkubkob sa Marawi City ng Maute Terror Group. VERLIN RUIZ
Comments are closed.