MARTIAL LAW SA SULU (Ikinokonsidera ni Duterte)

Presidential Spokesman Harry Roque

IKINOKONSIDERA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon mula sa pambansang security forces na isailalim sa Martial Law ang Sulu matapos ang magkakasunod na pagsabog kamakailan.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bagamat may rekomendasyon na ay posibleng hinihintay lamang ng Pangulo ang official report at request ng  security forces na tiyak aniyang bubusisiin nang husto ng Kongreso at Korte Suprema.

“So, although the recommendation has been made, the President has to be very careful that it will pass the scrutiny of both the Legislative and the Judicial branches of government,” paliwanag ni Roque.

Kapwa inirekomenda ng liderato ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang pagsasailalim ng Sulu sa Martial Law.

Ayon kay Roque, nakikinig  ang Pangulo sa mga suhestiyon at rekomendasyon ng nga taong nasa ground.

Kasabay nito, sinabi ni Roque na agad na pinulong ni Pangulong Duterte ang mga matataaas na opisyal ng AFP at PNP matapos ang pagsabog noong Lunes at agad na nagbigay ng mga direktiba

Hindi naman matukoy ni Roque kung bibisitahin ng Pangulo ang mga pamilyang naulila sa pagsabog sa Jolo dahil sa sitwasyon.

Pero ang sigurado ay nakikiramay ang Pangulo at magbibigay ng pinansiyal na ayuda sa mga naulilang pamilya ng nga nasawing sundalo at pulis.

Bibigyan din  ng sapat na pagkilala ang mga nasawi sa dalawang malagim na pagsabog.

Malinaw ayon kay Roque ang direktiba ng Pangulong Duterte na masusing imbestigahan ang mga pagsabog at tiyaking mabibigyan ng hustisya ang mga naging biktima nito.

Sinabi naman   ni PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa na ang rekomendasyon ni Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Cirilito Sobejana na isailalim muli sa Batas Militar  ang lalawigan ng Sulu ay magbibigay ng “operational flexibility” sa pulis at militar para magsagawa ng law enforcement operations laban sa mga “threat groups” sa lalawigan lalo na sa mga teroristang Abu Sayyaf.

Ang kambal na pagsabog sa Jolo ay kumitil ng 15 katao kabilang ang isang pulis at walong sundalo.

Sa kabilang dako, pinag-aaralan na rin sa ngayon ng PNP kung ano ang signature ng IED na ginamit sa dalawang magkasunod na pagsabog na naganap sa Jolo para matukoy ang grupong responsable sa naturang insidente.

Samantala, sa hanay ng Sandatahang Lakas, nanatiling ISIS influenced Abu Sayyaf Group ang nasa likod ng twin bomb attack na umano’y isinagawa ng dalawang Pinay suicide bomber na kapwa biyuda ng mga napaslang na terorista kabilang si Norman Lasuca na kauna-unahang Pinoy suicide bomber.

Pinakilos na rin ng PNP  ang kanilang Philippine Bomb Data Center (PBDC) at Crime Laboratory para magbigay ng technical support sa patuloy na imbestigasyon sa kambal na pagsabog.

Sinabi ni Gamboa, may database ang PBDC ng iba’t ibang klaseng pampasabog na ginamit sa mga nakalipas na insidente. EVELYN QUIROZ, VERLIN RUIZ

Comments are closed.