MAS ENGRANDENG WORLD GAMEFOWL EXPO 2020 INAASAHAN

SABONG NGAYON

INAASAHAN na maraming sorpresa, mga pa­premyo, pa-raffle at regalo ang naghihintay sa ika-10 taon ng World Game-fowl Expo sa pagbungad ng taong 2020.

Tinagurian bilang ‘pinakauna at pinakamalaking gamefowl expo sa bansa’,  ang World Gamefowl Expo 2020 ay gaganapin mula Enero 17 hanggang 19 sa World Trade Center sa Pasay City.

Ayon kay Mr. Manny Berbano, event partner at President/CEO ng Pit Games Media, Inc., espesyal ang expo sa susunod na buwan dahil bukod sa pang-10  taon na ito, marami ring mga mananabong mula Indonesia, Malaysia, Thailand, Cambodia at Vietnam na bibisita sa expo para sa isang cocking tourism.

Bibisita rin ang 27 Mexican at American breeders, gayundin si Bucky Harles, ang presidente ng United States Gamefowl Breeders’ Association. Ang 2019 World Slasher Cup solo champion na si Chris Copas,kasama sina Donny Haley ng Kentucky at Erik Rosales ng California ay darating din.

Kumbidado rin ang mag-asawang breeders na sina Anthony at Cyndel Robinson ng Boneyard Farm, Bobby Fairchild ng Clear Creek Farm, Joe Sanford, at siyempre ang nag-iisang si Dink Fair.

Ani Mr. Berbano, “Ang kagandahan dito, ang World Gamefowl Expo was timed before the World Slasher Cup or World Pit-master Cup. It always comes after the 15th of the month. Sa second week of the month naman dun natin ilalagay kasi ‘yung Biyernes, Sabado, Linggo at Lunes malaking derby na ‘yan sa Araneta Coliseum, so ganoon  ang ginawa natin.”

Inilunsad noong 2011, sa pangunguna ng event organizer na si Raquel Romero, nagsimula muna sa isang hall lamang ang nasabing expo, ngunit sa mga sumunod na taon ay nagdagdagan pa ito hanggang sa apat na hall na o buong World Trade Center na ang kanilang ginagamit dahil sa dami ng tao na nagpupunta kada taon, ayon kay Berbano.

“Nung mag-usap kami ni Raquel, sabi niya  20 years na silang nag-o-organize ng events at 3 years daw bago mo mabawi ‘yung mga investment mo sa mga event, kailangan naka- 3 years ka na hanggang sa makilala na ng tao. Pero phenomenal itong expo natin kasi unang taon palang talagang literal na sabi ko tumaob talaga ‘yung bangka, ibig sabihin everything that was sold inside the World Trade Center, sold out pati pagkain,” saad pa ni Mr. Berbano.

Naging tradisyon na umano ng ating bayang sabungero ang magpunta tuwing World Gamefowl Expo, at nagugulat siya  dahil magmula nung inumpisahan nila ito, umaabot na ngayon ang attendance sa 50,000 sa loob ng tatlong araw.

“Ganoon  kalaki at alam mo ‘yung kaligayahan natin na makita mo ‘yung ibatibang breeders, magpapakita tayo diyan  ng iba’t ibang linyada ng manok, the different breeds of chickens at hindi lang panabong pati fancy chickens, pati nga kalapati maglalagay tayo,” sabi pa ni Berbano.

Idinagdag pa niya na “Dati kilala ito bilang World Gamefowl and Pigeon Expo, kaya lang sa laki ng demand at nagustuhan ng mga tao ang gamefowl, so ginawa nilang gamefowl expo kaya lang nakiusap daw ang maraming magkakalapati na ‘wag alisin totally, so mayroon pa rin sila nyan.”

“Ang kagandahan ng World Gamefowl Expo it helps sa pagganda ng industriya ng manok panabong. Dito sa loob ng World Trade Center mabibili mo lahat ng kailangan mo when it comes to gamefowls, ‘yun ang ipinagmamalaki ko riyan. It really showed kung gaano kasigla at kaganda ang manok panabong na negosyo,” ang sabi pa ni Mr. Berbano.

“Ang objective ng isang gamefowl industry na ikinatutuwa ko is marami riyan na nag-umpisa sa maliit lang pero ngayon ay nakatutuwang makita na maganda na ang kanilang buhay dahil sa industriya. You know that’s one of the reasons why the industry is growing. Another thing is kung naghahanap ka ng breeding materials, gusto mo mag-upgrade dito ka magpunta sa expo dahil ang mga breeders hindi sila maglalagay ng manok na mapapahiya sila, pangalan nila ang nakataya dyan,” dagdag pa niya.

Kasabay nito, ilu­lunsad din sa nasabing expo ang isang pahayagan tungkol sa sabong at pag-aalaga ng manok panabong kung saan itatampok rin dito ang iba’t ibang istorya ng mga breeder at sabu­ngero.

Nais ni Mr. Berbano na marating ng nasabing pahayagan o diyaryo ang lahat ng sulok ng bansa kung saan may  sabungan at mga ­sabungero.

Comments are closed.