MAS MABISANG PAMAMAHALA SA ILALIM NG BBM ADMIN

Joe_take

AGAD na inumpisahan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang kanilang trabaho ilang oras lamang matapos ang kanilang panunumpa at paupo sa puwesto.

Kasabay ng inagurasyon ng Pangulo, agad na nilagdaan ni Executive Secretary Atty. Victor D. Rodriguez ang isang Memorandum Circular na mag-bibigay sa mga sangay ng pamahalaan ng mas pinaigting na “recommendatory” power para sa mga prayoridad na serbisyong nais nilang ipatupad.
Ayon kay Executive Secretary Rodriguez, ang paglalagda sa Memorandum Circular No. 2 o ang “complete staff work requirements at standards”

ay magdudulot ng mas mabilis na assessment at approval ng Pangulo sa mga programa ng bawat kawani ng gobyerno.
Sa ilalim ng Memorandum Circular, ang implementasyon ng mga serbisyo ng pamahalaan ay mas mapabibilis dahil nakalatag na ang mga detalyadong dokumento na magbibigay sa Office of the President ng mas malinaw na pananaw at naglalayon ng mas epektibong proseso ng approval.
Sa madaling salita, kinakailangan na lamang niyang bigyan ng desisyon ang mga rekomendasyon at proyekto ng bawat ahensya dahil nakompleto na ang staff work.
Ayon sa memorandum circular, ang mga ahensiya ay kinakailangan ding

magsumite ng mga printed draft ng mga action document at proposed issuance na ipapaapruba sa Office of the President, kabilang na ang implementation plans at iba pang mga dokumento na makakasuporta sa lahat ng mga government request.
Kinakailangan din nilang isumite ang lahat ng mga maaaring problemang kakaharapin, pati na ang mga posibleng solusyon upang matugunan ito. Dahil dito, nasa kamay ng ahensiya ang pagsiguro na ang lahat ng dokumento at report ay kumpleto bago ito ipaapruba sa Pangulo.
Ang mga sangay ng pamahalaan ay kinakailangan ding rumesponde sa loob ng 15 araw kung sakaling magkaroon ang

presidente ng mga katanungan ukol sa mga proyekto.
Ang mga ahensiya na hindi magkocomply sa complete staff work requirements at standards ay hindi mabibigyan ng prayoridad at maaari ring ibalik lamang sa project proponent.
Naturingan nang “urgent” noon pa man ang complete staff work standards circular upang epektibong maisakatuparan ang lahat ng mga programa ng pamahalaan ngunit malinaw na sa kasalukuyang pamahalaan ay paiigtingin pa ito .
Ano naman ang ganansya ng sambayanan dito? Simple lang, sa pamamagitan nito, mas magiging episyente ang proseso at kaukulang aksyon kaya ang

mga proyekto na may kaugnayan sa serbisyo publiko ay agarang mararamdaman sa ground level o yaong direkta ang impact sa tao.
Napakarami nang mga proyekto ng pamahalaan ang nadedelay dahil sa dami ng mga proseso at mga taong kailangan nitong daanan, kaya’t mainam na agarang inaprubahan ang circular na ito upang mapabilis ang implementasyon sa mga proyekto ng gobyerno.
Sa bandang huli, ang lahat ng ito ay para naman sa kabutihan ng mamamayang Pilipino. Tayo ay panalo sa desisyong ito. At sa ilalim ni Pangulong BBM at sa pangagasiwa ni ES Vic, tiyak na ang magtatagumpay at makikinabang ay ang taumbayan.