PINARANGALAN ng Regional Office ng PNP sa Camp Simeon Ola,Legaspi City ang Masbate Provincial Command bilang Best Police Provincial Office sa Bicol kamakailan bunsod sa matagumpay na kampanya nito laban sa lahat ng uri ng iligal na aktibidad sa lalawigan.
Tinanggap ni Masbate Police Provincial Director Col.Joriz Cantoria ang naturang award mula kay Bicol PNP Regional Director Gen. Anthony Alcaneses sa pagdiriwang ng 119th Anniversary ng Pambansang Pulisya noong Agosto 6 sa Legaspi City na kasabay ding iginawad sa kapulisan ng lalawigan ang Best Provincial Mobile Force Company sa buong Rehiyon.
Batay sa ulat, mahigpit na ipinatutupad ng Masbate PNP ang kampanya laban sa droga, illegal gambling at maging ang malawakang paglulunsad ng seaborne patrol operation laban sa commercial fishing operators.
Pinaigting din ni Col.Cantoria ang kampanya laban sa naglipanang loose firearms sa lalawigan na kilalang transhipment point ng mga armas mula sa Cebu at maging ang paglansag ng ilang Private Armed Groups(PAGs) na ginagamit ng mga politiko upang maghasik ng karahasan tuwing eleksyon sa lalawigan.
Dahil sa mga inisyatibong ipinatupad ng pamunuan ni Col.Cantoria hinggil sa katahimikan at kapayapaan sa lalawigan, bumaba ng 15 porsyento ang krimen kumpara noong 2019 kasabay sa pagtalima sa Operation Manhunt Charlie kung saan naaresto ang 665 Regional,Provincial at Municipal Most Wanted Persons na matagal nang pinaghahanap ng batas.
Gayundin, alinsunod sa PNP Bayanihan Fund challenge na pinangunahan ni PNP Chief Archie Gamboa upang matulungan ang mga kababayan apektado ng pandemya,nakalikom si Col.Cantoria ng P1,083,950 na ipinadala sa Police Regional Office ng PNP. NORMAN LAURIO
Comments are closed.