MASBATEÑO NANGANGAMBA SA PAGKALAT NG COVID-19

Covid 19

NANGANGAMBA ang mga residente sa lalawigan ng Masbate  na  maaring mahawa ng coronavirus disease kung hindi isasailalim sa swab testing ang sinumang stranded na indibidwal na magbabalik ng lalawigan.

Kamakalawa ay dumating sa Masbate ang apat katao mula sa Pilar, Sorsogon na ang mga dala ay tanging health certificate at clearance mula sa  Department of Interior and Local Government (DILG).

Tahasang sinabi ni Masbate Governor Antonio Kho  na walang dokumentong magpapatunay na sumailalim ang mga dayo sa swab test.

Batay sa Executive Order #17 na inisyu ni Kho kamakailan,kailangan ang health clearance, travel pass at health certificate na nagpa-swab test sa point of origin ang isang residente na babalik sa lalawigan bago siya pahihintulutang makapasok dito.

“ Dapat nakipag-coordinate muna sila sa amin, ano’ng klaseng patakaran ‘yan ng DILG na papasukin muna ang isang pasahero dito bago magpa-swab test eh if found to be positive of this virus, paano na ‘yung isang milyong Masbateno,” ani Kho.

Ang Masbate ang nag-iisang lalawigan sa Bicol na wala pang nagpositibo sa naturang virus bunsod sa patuloy na pagbabantay ng mga awtoridad sa coastal areas na entry points naman ng mga nais bumalik dito nang hindi dumadaan sa inspeksiyon at maging ang ilang pier dito ay bantay sarado rin mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ).

Matatandaang nagpalabas ng ultimatum si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa DILG na pauwiin na ang mga stranded na indibidwal sa kanilang probinsya kabilang ang mga estudyante at OFWs bago matapos

itong buwan makaraang malaman nitong hirap silang makabalik sa kanilang lugar dahil sa panghihigpit ng LGUs bunsod sa takot na mahawaan ng nabanggit na virus.

Comments are closed.