MASUSING pag-aaral ang isinasagawa ngayon ng Metro Manila Council kaugnay sa panukalang magpatupad ng bagong number coding scheme.
Ayon kay MMDA chairman Romando Artes Jr., bago pa ang halalan, nagkaroon na sila ng pakikipagpulong sa mga alkalde sa NCR, at may ilang datos, aniya, na hinihingi ang mga ito upang kanilang mapag-aralan.
Ani Artes, tulad ng konseho, nagsasagawa rin sila ng sariling pag-aanalisa sa mga nakukuhang ulat bago muling makipagpulong sa Metro mayors para desisyunan ang bagay na ito.
Pero may ilan din, aniya, na nagbigay ng mungkahi na hintayin na lamang ang pagpasok ng bagong administrasyon bago pagpasyahan ang mungkahing magkaroon ng bagong number coding scheme.
Samantala, iminungkahi naman ni Artes na sakaling maipatupad na ang panukalang ito bago matapos ang panunungkulan ni Pangulong Duterte, dapat naa muli itong maisailalim sa pag-aaral kada ikatlong buwan.
Nakasaad sa panukalang bagong color coding system na mahigpit nang ipagbabawal sa kalsada ang mga pribadong sasakyan mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi sa loob ng dalawang araw sa isang linggo base sa huling numero ng plaka ng kanilang kotse o sasakyan. DWIZ 882