MUKHANG nagising na sa katotohanan ang kampo ng Rain or Shine Elasto Painters, na nagpalit din sa wakas ng kanilang head coach.
Noon pa nila dapat ito ginawa. Ang humalili kay coach Caloy Garcia ay ang kanyang assistant na si Chris Gavina. Si Gavina ay naging head coach ng Mahindra Kia sa PBA pagkatapos ay sa MPBL.
May tatlong season ding naging asst ni coach Caloy si Gavina. Dahil naging abala si Garcia sa pagiging asst sa national team ay kinailangan ng management na magdesisyon na palitan muna si coach Caloy dahil magsisimula na ang ensayo ng RoS.
Taong 2016 nakakuha ng PBA title ang RoS, ito ay ang Commissioner’s Cup at target nilang muling sumungkit ng titulo ngayong season. Naninuwala ang management sa kakayahan ni coach Chris na matutulungan niya ang Elasto Painters sa ngayong 46th season para makaangat ang team.
Tutulungan si Gavina ng mga beteranong player ng koponan tulad nina Beau Belga, James Yap, at Gabe Norwood at mga batang player na sina Javee Mocon at Rey Nambatac. Ginawa namang team consultant si coach Garcia
Pawang magaganda ang ipinakitang laro nina Aljon Mariano at Prince Caperal noong nakaraang PBA bubble, habang si Arthur dela Cruz ay naging matakaw sa injury. Kaya hindi kataka-taka kung bakit kasama siya sa tatlong players na kapalit ni Christian Standhardinger ng NorthPort Batang Pier. Kasado na umano ang trade na ito sa PBA.
Hindi makapaniwala si Mariano kung bakit pati siya ay kasama sa trade. Ang tanong nga raw nito ay bakit pati siya.
Wala namang magagawa si Mariano sa trade dahil ito ang gusto ng management para pumayag ang NorthPort na ibigay si Standhardinger. Isa laban sa tatlo, hindi ba lugi ang Brgy Ginebra sa palitan ng players? Marami lang naman ang nagtatanong.
Sa pagkakalipat ni Aljon sa Batang Pier ay magkakahiwalay na sila ng kanyang best friend na si Scottie Thompson. Syempre, kahit papaano ay malulungkot si Thompson sa paglipat ni Mariano sa NorthPort.
Kawawa naman itong si ex-PBA player Terry Saldana na nakikitira na lamang sa kanyang kaibigan sa may Laguna. Si Saldana ay tinulungan ng mga kasamahan niya sa basketball. Siyempre ay sa pangunguna ng PBA Foundation at board of governors ng PBA. Nagkasakit si Terry kung saan namamaga ang mga paa nito at posibleng diabetic ang player. Buti na lang at maraming kaibigan ang nagmamahal kay Saldana na tumutulong sa kanya. Ngayon ay nakalabas na ng hospital si Saldana at hindi na gaano maga ang kanyang mga paa. Nakakalakad na ang dating player. Anyway, get well..
Comments are closed.