MATALAS NA BATAS VS SINUNGALING

Senador Panfilo Lacson

IGINIIT ni Senador Panfilo Lacson na kailangan ng mas matalas na batas laban sa pagsisinu­nga­ling  na panlaban sa  du­mara­ming insidente sa korte at lehislatura sa kabila ng pagiging “under oath” ng mga pinagsasalita.

Ito ang nakikitang solusyon ni Lacson para matigil na ang pagkakalat ng mali at mapanirang impormasyon gaya  ng umano’y ginawa nina Atty. Jude Sabio, Peter Joemel “Bikoy” Advincula, Rodney “Ninja Cop” Baloyo IV, Edgar Matobato, Arturo Lascañas, Cezar Mancao II at Mary “Rosebud” Ong.

“Naging tig-singkong duling na lang ang pagsisinungaling under oath sa Pilipinas (sic). That is why there is a compelling need for a stronger perjury law,” anang senador.

Kamakailan, pinahayag ni Sabio na iuurong niya ang reklamong naunang isinampa niya sa International Criminal Court (ICC) laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, dahil  umano sa ang unang isinampa niyang kaso ay “politically motivated.”

Noong 2019, nagalit ang senador at ipina-contempt si Baloyo dahil sa pagbigay ng maling testimonya tungkol sa operasyon ng “ninja cops” na kinabibilangan nito.

Binalikan din ni Lacson ang pagtatangka ni Advincula na iugnay sa operasyon ng droga ang pamilya Duterte pero sa bandang huli ay binawi rin ang testimonya.

Magugunita, noong unang taon pa lamang bilang miyembro ng Lehislatura si Lacson ay hindi rin siya tinigilan ng paninirang puri buhat sa mga tulad nina Ong, Mancao at Mawanay na pakawala ng dating administrasyon na gustong siyang ipakulong.

“Our present perjury law only carries a prison term of six months up to two years and two months. With a penalty that light, we can expect lying witnesses not only in Senate hearings but even before the courts,” paliwanag ng senador.

Kaya’t isa sa mga hakbang nito para baguhin  ito ay ang paghahain ng  Senate Bill 28 na naglalayong bigyan ng mabigat na parusa ang pagsisinungaling sa korte.

“It is noteworthy that because of these untruthful and inconsistent statements, we have witnessed how some men were robbed of their youth and freedom for a long period of time only to be freed later on account that the reason for their incarceration was based on a ‘polluted source,’” diin ni Lacson.

Sa naturang panukala, kapag napatunayang nagsisinungaling ang testigo, ipapataw rin sa kanya ang parusang ibibigay ng hukuman sa akusado.

Kaparehong parusa rin ang ipapataw sa mga opisyal o kawani ng pamahalaan na mapapatunayang nagturo para magsinungaling ang sumabit na testigo. VICKY CERVALES

Comments are closed.