PINAYAGAN na ng Department of Health (DOH) na makauwi sa kani-kanilang lalawigan ang mga Pinoy na mula sa Wuhan City, Hubei, China makaraang makatapos ng kanilang 14-day quarantine nitong Sabado at hindi pa rin makitaan ng sintomas ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Nabatid na bago naman tuluyang pinalabas ng Athlete’s Village, sa New Clark City, Capas, Tarlac, isinailalim muna ang 49 Pinoy mula Wuhan sa pinal na pagsusuri at pinagkalooban pa ng quarantine clearance certificate sa isang simpleng seremonya.
Ang mga naturang clearance certificate ay ipinagkaloob sa mga Pinoy upang maiprisinta nila sa kanilang mga employer bilang katibayan na sila ay may kakayahan pa ring magtrabaho.
Tiniyak naman ni DOH Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, kahit pa pinayagan nang makauwi sa kani-kanilang lalawigan ang OFWs ay patuloy pa ring imo-monitor ng DOH ang kalusugan ng mga Pinoy repatriates mula sa Wuhan sa loob ng isang buwan, sa tulong ng mga local officials.
“They will be monitored for a month para malaman ang developments,” ani Vergeire.
Siniguro rin nito, wala nang dapat na ikabahala ang mga nagsiuwing Pinoy sa kanilang mga kaanak dahil nakatapos na sila ng quarantine at walang anumang sintomas na nakita.
Matatandaang Pebrero 9 nang i-repatriate ang mga Pinoy mula sa Wuhan City na itinuturing na siyang ground zero o pinagmulan ng COVID-19 at kinailangang i-quarantine ng 14-araw sa New Clark City upang matiyak na hindi sila dinapuan ng nasabing virus.
Makaraang makaalis ang repatriates, agad na nilinis mabuti at dinis-infect ang New Clark City facility bilang paghahanda naman sa pagdating ng mga Pinoy na mula naman sa MV Diamond Princess cruise ship na naka-quarantine sa Yokohama, Japan.
Samantala, inianunsiyo naman ng DOH na hindi matutuloy ngayong Linggo, Pebrero 23, ang pagpapauwi sa mga Pinoy crew na sakay ng naturang cruise ship.
Ayon sa DOH, ipinasya ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na ipagpaliban muna ang repatriation hanggang sa unang bahagi ng susunod na linggo.
Tiniyak naman na umano ng Japanese government na pinagkakalooban nila ng nararapat na serbisyong pangkalusugan ang mga apektadong Overseas Filipinos na sakay ng cruise ship.
Mahigpit rin namang nakikipag-ugnayan ang Tokyo Embassy ng Filipinas sa Japanese health and foreign ministry upang makumpleto ang quarantine protocols upang kaagad na maiuwi ng pamahalaan ang mga Pinoy crew sa Dilipinas. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.