MATATAG NA SUPPLY NG BIGAS SA MGA DARATING NA ARAW – DTI SEC LOPEZ

MAKASISIGURO ang mga Filipino na mananatiling matatag ang supply ng bigas sa mga darating na araw bilang resulta ng polisiya ng gobyerno na makapag-angkat ng bigas, ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez.

“Malinaw ang polisiya ng ating pamahalaan lalo na bilin ni Presidente Rodrigo Duterte talaga, punuin n’yo ng stock ‘yan,” sabi ni Lopez nang tanungin ang publiko kung sila ba ay hindi na mababahala sa pakonti-konting supply ng bigas.

“Hindi na bale tayo ay sumobra, huwag lang kumulang kaya mag-import nang mag-import,” dagdag pa niya.

Kamakailan lamang, dumaan ang bansa sa krisis matapos na ang supply ng pangunahing pagkain ng Pinoy ay bumagsak sa dangerous levels, na nagtulak sa gobyerno ng pa­raan na ang stock ng bigas ay sapat para may makain ang mga tao.

Bukod sa importas­yon, sinabi ni Lopez na siniguro ng gobyerno na ang local rice producers at farmers ay makakukuha ng insentibo para makatulong sa pagdagdag sa supply ng bigas.

“‘Yung local supply din, mag-mill tayo nang mag-mill habang ngayon ay harvest season,” sabi niya.

“At ang NFA (National Food Authority) nga, nagbigay pa sila ng incentive para makabili sila sa local farmers, so in other words hindi rin lugi ang farmers,” dagdag pa niya.

Ayon kay Lopez, nakapagdagdag na ang NFA sa pagbili ng palay sa mga magsasaka mula sa P17 hanggang P20.70.

“Mainam ‘yun sa farmers at the same time makakaimbak ang NFA ng local rice din, at ‘yun ang imi-mill nila,” sabi niya.

Nakapag-release na pareho ang Department of Trade and Industry at Department of Agriculture ng kanilang suggested retail price (SRP) para sa bigas.

Comments are closed.