MATATAG NA SUPPLY NG MALAMPAYA SUSI SA ENERGY SECURITY

MALAMPAYA

ANG ROTATING brownouts na nakaaapekto ngayon sa iba’t ibang lugar sa Luzon at Metro Manila dahil sa manipis na power reserves ay hudyat ng matinding panga­ngailangan ngayon ng bansa upang matiyak ang energy security o self-sufficiency sa supply ng koryente.

“Ang mga nararanasan na­ting brownout sa ngayon ay nagbibigay-importansiya sa kahalagahan ng pagbibigay-pansin sa energy security of self-sufficiency sa energy sa pamamagitan ng pagkuha mula sa ating sariling power stores sa halip na umasa sa pandaigdigang pamilihan,” ani Rufino Bo-masang, chairman ng Petroleum Association of the Philippines (PAP), sa panayam kamakailan.

“Hindi na natin kailangang lumayo pa,” sabi pa niya. “Mayroon tayong indigenous energy na maaaring magamit, tulad ng kinukuha natin mula sa Malampaya gas field sa northwest Palawan. At dahil ang natural gas ay indigenous energy, nakatutulong din ito sa energy security,” paliwanag pa ni Bomasang.

Ang Malampaya project, ang kauna-unahang proyekto sa ganitong uri sa Filipinas, ay kinapapalooban ng deep-water technology upang makakuha ng natural gas mula sa kailaliman ng karagatan ng Filipinas. Ang indigenous gas ay ang siyang nagpapatakbo sa limang natural-gas-fired power stations na may kabuuang generating capacity na 3,200 megawatts upang magbigay ng power sa buong Luzon.

Ang supply mula sa Malampaya ay nananatiling matatag at sa katunayan, ang produksiyon mula sa Malampaya platform ay higit pa sa normal average ngayon dahil sa tumaas na pangangailangan sanhi ng pagbagsak ng ilang power generators.

“Nag-step up ang Malampaya at tinugunan ang tumaas na demand sa koryente. Kung hindi dahil dito, mas magiging malala pa ang power shortage at ang ating mga nararanasang brownouts ay magiging mas mahaba at mas madalas,” ani Bomasang.

Batay sa notice na ipinadala ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kama­kailan, ang rotating brownouts ay isinagawa sa mga electricity consumer sa Luzon grid dahil sa ‘zero reserve’ sa system. Ang sitwasyon sa power grid ay lumala kasunod ng wala sa planong outage ng ilang coal-powered at thermal power plants.

“Inaasahan naman natin na may magaganap na mga ganitong outages laluna tuwing summer kung saan mas mataas ang demand sa koryente,” dagdag pa ni Bomasang. “Binibigyang-diiin din dito ang malaking papel na ginagampanan ng Malampaya upang makamit ang energy security para sa bansa,” sabi pa ni Bomasang.

Sinegundahan din ni Bomasang ang panawagan ni Senador Sherwin T. Gatchalian na palawigin ang Malampaya joint venture license makaraan ang 2024 para sa patuloy na paghahatid ng ligtas at maaasahang daloy ng natural gas sa Luzon sa humigit-kumulang sa anim na taon pa.

“Kung ito ang magiging kaso, kailangan nating gawin ang lahat upang matiyak na ang Malampaya project ay mabibigyan ng extension at ang gas funds ay ma-develop ng grupo ng mga eksperto na siya ring matagumpay na nagpapatakbo ng kasalukuyang proyekto,” ani Bomasang.

Ang operasyon ng Malampaya sa full capacity na 3,200 megawatts sa mga power station ay naglalabas ng mahigit sa 1.35 miliyong kilogram ng CO2 kada oras—isang uri ng mas malinis at mas sustainable na proseso, kumpara sa paglikha ng enerhiya gamit ang coal o fuel oil.

Comments are closed.