MATATAG SA PANAHON NG KALAMIDAD

ORO MISMO

UPANG maging alisto ang bawat isa at ma­ging aware tayo sa kahalagahan ng paghahanda sa panahon ng kalamidad, ang buwan ng Hulyo ay itinakda bilang National Disaster Resilience Month.

Sa aking panayam sa DWIZ kay Usec. Ricardo Jalad, administrator ng Office of Civil Defense & Executive Director, National Disaster Risk Reduction and Management Council, sinabi niyang ang layu­nin nito ay para masanay ang gobyerno at lahat ng indibidwal mula sa private at public sector bilang partnership na dumaan sa training para sa kamalayan sa sarili nitong paghahanda sa lahat ng darating na sakuna.

Ang ibig sabihin ng salitang ‘resilient’ ay pagiging matatag at hindi natitinag sa anumang klase ng kalagayan. Bahagi ng agenda na ang awareness ay maging organisado ang mga kabahayan na bago pa bi­nabayo ng bagyo ay nakaplano at matatag at alam ang mga preventive measurements na dapat gawin ng mga pamilya.

Lalo na sa mga lugar na prone sa landslides at pagbaha mula sa natural hazard na madalas kaharapin ng mamamayang Filipino.

o0o

Kaugnay naman sa nakaambang mga pagbaha ngayong tag-ulan dulot ng pagputol ng maraming punongkahoy at pagkapanot ng ating mga kagubatan, kumilos tayong lahat para suportahan ang a­ting reforestation. Pero hindi basta punongkahoy lang ang angkop na itanim. Depende rin sa puno. Basahin ninyo ang obserbas­yon ng aking uncle Fabian Hallig na isang retired teacher.

Ito ang kanyang kuwento: Napuntahan ko na ang man-made forest sa Bohol. Tumigil kami doon ng family ko ng mahigit 15 minutes para mag-ikot-ikot at kumuha ng souvenir photos na­ming mag-anak.

Maganda naman talagang tingnan ang paligid dahil sa makapal at naglalakihang puno ng mahogany. Forest nga namang matatawag. Pero pakiramdam ko ay kakaibang gubat ‘yun dahil tuyo ang lupa, wala akong narinig na huni ng ibon o nakitang isa mang klase ng wildlife na karaniwang nakikita sa magubat na lugar.

Kahit tipaklong o paro-paro man lang ay wala akong napansin. Inasahan ko rin na may makikita akong tarsier na alam ko indigenous sa Bohol, pero wala talaga.

Tanong ko sa guide namin kung may tarsier sa lugar na ‘yun. Negative ang tugon niya. Kung gusto ko raw makakita ng tarsier, doon daw ako pumunta sa kabayanan at kasama iyon sa ruta ng aming tour. Totoo nga. Pero ang pinagtataka ko bakit sa bayan may tarsiers at wala sa gubat na ‘yun?

Naging malaking palaisipan sa akin ‘yun. Ngayon ko lang nalaman ang dahilan nang mabasa ko ang isang article sa internet. Hindi pala angkop ang mahogany trees para suportahan ang biodiversity sa man-made forest na ‘yun.

Kaya pala walang ibon o anumang klaseng hayop o indigenous insects akong nakita o naramdaman. Kaya pala dry ang lupa. So, kung walang insekto o ibon, walang tarsiers na titira doon dahil ‘yun ang pagkain nila.

Tama si Uncle Fabian, palagay ko ang magandang itanim na punongkahoy para sa reforestation ay ‘yung fruit bearing trees. Mapakikinabangan pa ang bu­ngang prutas nito at may pagkain pa ang mga ibon at wild animals.

Comments are closed.