MATINDING DAYAAN SA HALALAN PINANGANGAMBAHAN

IKINAGULAT ni Senadora Imee Marcos ang mga nakaambang banta sa seguridad ng darating na eleksyon na lumitaw sa pagdinig ng Senado kahapon na lalong nagpatindi ng takot na magkakaroon ng dayaan sa halalan sa Mayo.

Sa pagdinig ng Se­nate committee on electoral reforms and people’s participation, inamin ng mga ahensiyang may kinalaman sa eleksyon na hindi nila kayang ipatupad ang mga paraang pangseguridad na unang napagkasunduan.

Ayon kay Marcos, chairman ng nasabing komite na kung dati madaling makapasok ang mga nag-oobserba sa mga pro­seso patungong eleksyon, sa ngayon madalas na ipinagbabawal ng Comelec ang sinumang kinatawan ng partido politikal, non-governmental organization (NGO), at ang publiko na gustong mag-monitor sa pagpoproseso ng SD cards sa Santa Rosa, Laguna.

“Naiproseso na ng Comelec ang lahat ng mga SD card para sa Min­danao hanggang Region 4, na wala man lang testigo. Tanging mga SD card na lang para sa tatlong natitirang rehiyon ang ipopro­seso, ” ani Marcos.

“Alam nating sa mga SD card namadyik o naganap ang dayaan sa nakalipas na halalan,” dagdag pa ng senadora.

Sinabi pa nito, nasorpresa siya sa desisyon ng Comelec na paglikha ng mga regional technical hub sa piling mga probinsiya na tutulong umano sa pagpoproseso ng SD card kapag pumalya ang mga voting machine na hindi naman dating ginagawa ng komisyon.

Dagdag pa ng senadora, nangyari rin ang pagsisikreto sa publiko ng National Printing Office kung saan nagawang makapag-imprenta ng 66%.4 ng mga balota para sa eleksyon sa Mayo na hindi na-monitor.

“Lahat ng ito, ganito kalalim ang pagsisikreto? May nalabag na batas dito,” giit ni Marcos.

Hindi tinanggap ni Marcos na palusot ang restriksyon sa pandemya at iginiit na “hindi dapat makompromiso ang karapatan sa pagboto ng mga pagtanggi ng mga opisyal na masaksihan ang galaw at proseso ng halalan.”

Sinabi pa ni Marcos na maaari ring mamayagpag ang pandaraya sa bilangan ng boto sa mismong araw ng eleksyon dahil sa iilang voting precinct lamang ang kaya ng Comelec na paganahin ang mga digital signature.

Ayon sa Comelec, nabigo silang makakuha ng mga kable na tugma sa mekanismong una nilang binili na gumagamit ng microchip at tinatawag na iButtons.

Sa harap nito, nagpapatawag si Marcos ng executive session at panibagong pagdinig sa susunod na linggo para linawin ang alegasyon na paglabag sa ‘data security’ o seguridad ng datos na posibleng maging dahilan para makompromiso ang bilangan ng boto.

Una nang napaulat na nagawa ng mga hacker na mapasok ang mga sikreto o ‘confidential’ na datos ng mga botante na hawak ng Comelec pati ang mga voting precinct habang idineklara naman ng National Privacy Commission at Cybercrime Investigation and Coordination Center na base sa kanilang inisyal na imbestigasyon na lumitaw na nakompromiso ang isang third-party contractor ng naturang komisyon. VICKY CERVALES