Mga laro ngayon:
(Filoil Ecooil Centre)
1:30 p.m. – Farm Fresh vs F2 Logistics
4 p.m. – Cignal vs PetroGazz
6:30 p.m. – Chery Tiggo vs Creamline
SA maaaring pinakamalaki nilang showdown magmula noong Baccara bubble championship, dalawang taon na ang nakalilipas, magsasalpukan ang Creamline at Chery Tiggo sa tampok na laro sa Premier Volleyball League Invitational Conference tripleheader ngayong Martes sa Filoil EcoOil Centre.
Ang Cool Smashers ay maaaring manatiling panukat sa harap ng kanilang mabigat na lineup, subalit may iba pang mga koponan tulad ng Crossovers na nakahandang makipagbakbakan sa mid-season tournament.
Ang Chery Tiggo ay nagsagawa ng malaking hakbang sa conference break sa pagkuha kina University of Santo Tomas standouts Eya Laure at Imee Hernandez, at sa National University trio nina Cess Robles, Jen Nierva at Joyme Cagande.
Pangungunahan nina Mylene Paat at EJ Laure ang Crossovers sa paggabay sa mga baguhan kasama sina setter Alina Bicar at libero Buding Duremdes.
“We are very excited if you may say so but it really entails a lot of responsibilities to match and manage the expectations of many,” sabi ni Chery Tiggo coach Aaron Velez.
“Overall, this is an opportunity to start developing a younger era of talents for the long term,” dagdag pa niya.
Ang Crossovers ay hindi pa umaabot sa podium magmula nang pagharian ang 2021 Open Conference.
Batid ni Alyssa Valdez, ang heart and soul ng Creamline, na hindi magiging madali ang back-to-back title bid ng kanyang koponan.
“The level of competition will definitely be higher this conference,” sabi ni Valdez, hindi naglaro sa buong All-Filipino Conference dahil sa injury.
“‘Yung team na healthy all throughout the season will make a big difference this conference – lahat pantay-pantay na talaga, including yung support ng mga teams,” dagdag pa niya.
Sa pagbabalik ni beach volleyball star Bernadeth Pons sa taraflex floor, ang Cool Smashers ay nagkaroon ng isa pang offensive weapon upang suportahan sina Tots Carlos at Jema Galanza, kasama sina playmaker Jia de Guzman at libero Kyla Atienza.
Nakataya ang championship pedigree ng Creamline sa 6:30 p.m. Group A match-up sa Chery Tiggo.
Ang unang dalawang laro ay tatampukan ng Group B teams kung saan susubukan ng F2 Logistics ang lakas ng debuting Farm Fresh sa ala-1:30 ng hapon habang magpapambuno ang Cignal at PetroGazz sa alas-4 ng hapon.
Ang top two teams sa bawat pool ay aabante sa semifinals, isang round-robin phase na paiinitin ng paglahok ng dalawang foreign guest squads.
Ang top two ang maghaharap para sa gold medal sa isang winner-take-all finale habang ang third at fourth-placed teams ay magsasagupa para sa bronze.