Mga laro ngayon:
Mall of Asia Arena
7 p.m. – Alaska vs Bolts
MALALAMAN ngayon kung sino sa Alaska at Meralco ang ookupa sa huling quarterfinal seat sa PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena.
Nakatakda ang salpukan ng Aces at Bolts sa alas-7 ng gabi kung saan inaasahang magpapatayan ang dalawang koponan, sa pangunguna ng kani-kanilang import na sina Diamon Simpson at Delroy Adrian James, para sa huling puwesto sa playoffs.
Sasalang ang Bolts na mataas ang morale matapos ang 95-91 panalo laban sa San Miguel Beer sa pagtatapos ng eliminations noong Miyerkoles ng gabi, habang galing ang Aces sa dalawang sunod na talo kontra Rain or Shine at Blackwater.
Para sa Aces, ang isang malaking pagkukunan ng pag-asa ay dadaan sila sa parehong ruta sa nakalipas na Philippine Cup kung saan naitakas nila ang 88-81 panalo laban sa NLEX Road Warriors sa do-or-die match para sa No. 8 spot.
Namayani si coach Alex Compton at ang kanyang tropa laban kay coach Norman Black at sa kanyang Bolts, 93-89, noong Hunyo 9 sa Ynares Antipolo.
Tinapos ng Aces ang elims na katabla ang Bolts at Phoenix Pulse Fuel Masters sa 4-7 subalit nasibak ang Phoenix dahil sa lower quotient.
“So we get to live another day to fight Alaska. It’s gonna be a tough game but at least we have a chance for the playoffs now,” wika ni Black.
Muling sasandal ang Bolts sa kanilang locals na sina Chris Newsome, Baser Amer, Cliff Hodge, Nico Salva at Ranidel de Ocampo habang itatapat ng Aces sina Chris Banchero, Jvee Casio, Vic Manuel, Sonny Thoss at Simon Enciso. CLYDE MARIANO
Comments are closed.