NATUPAD na rin ng kambal na Matt at Mike Nieto ang pangarap ng kanilang ama, dalawang dekada na ang nakalilipas.
Pumirma si Matt ng three-year contract sa NLEX noong Martes ng gabi, habang sinelyuhan ng kanyang kapatid ang two-year deal sa Rain or Shine.
Habang ang bawat isa sa pamilya ay nagpapasalamat dahil natupad ng dalawang dating Ateneo players ang kanilang pangarap na maglaro sa Asia’s first ever play-for-pay league, wala nang ibang higit na masaya kundi ang kanilang amang si Jet Nieto.
Minsan ding inasam ng nakatatandang Nieto na maglaro sa PBA, subalit pangarap din niyang maging isang doktor, na kalaunan ay mas binigyan niya ng prayoridad kaysa sa basketball.
Naging isang doktor siya bilang orthopedic surgeon, at ang kanyang dalawang anak ang tumupad sa matagal na niyang pangarap.
“It’s always been the dream, not only for me, but also for my family, especially my dad,” sabi ni Matt, na sinamahan ng kanyang doctor parents nang pumirma sa Road Warriors sa presensiya nina coach at basketball operations manager Yeng Guiao, team governor at NLEX president and CEO Rod Franco, at NLEX assistant vice president Ronald Tugade.
“Hindi kasi nag-PBA si daddy. Gusto niyang maging doctor,” dagdag ni Matt. “Yun na siguro yung greatest regret niya kaya gusto niya, bata pa lang kami, mag-PBA na kami. This is it. We’re living his dream also.”
Si Matt ang no. 3 pick ng NLEX sa 2019 special PBA Gilas draft, habang ang kanyang kapatid na si Mike ay kinuha no. 5 ng Elasto Painters.
Si Mike ay winelcome ng Rain or Shine franchise sa pangunguna nina team governor Atty. Mamerto Mondragon, basketball operations head Caloy Garcia, at team manager Jireh Ibanez. Sinamahan siya ni representative PJ Pilares ng Titan Management Group. CLYDE MARIANO