UMISKOR si Jalen Brunson ng game-high 28 points at nagtala si Luka Doncic ng near triple-double nang palubugin ng Dallas Mavericks ang bisitang Phoenix Suns, 103-94, noong Biyernes ng gabi.
Tumapos si Doncic na may 26 points, 13 rebounds at 9 assists para sa fourth-seeded Dallas, na tinapyas ang kalamangan ng top-seeded Phoenix sa 2-1 sa best-of-seven Western Conference semifinals.
Nakatakda ang Game 4 sa Linggo sa Dallas.
Nakakuha rin ang Mavericks ng 15 points mula kay Reggie Bullock at tig-14 kina Dorian Finney-Smith at Maxi Kleber. Habang naitala ni Doncic ang kanyang lowest-scoring game sa series — may average siya na 40 sa dalawang talo sa Phoenix — ang Dallas ay naging balansiyado na ayon kay coach Jason Kidd ay kinakailangan para talunin ang Suns.
Naging matindi rin ang depensa ng Mavericks. Bumuslo lamang ang Phoenix ng 44.7 percent mula sa field, ang unang pagkakataon sa siyam na postseason games na nalimitahan ito under 50 percent. Nakalikom din ang Suns ng 17 turnovers, ang pinakamarami sa playoffs ngayong taon.
Nanguna si Jae Crowder para sa Phoenix na may 19 points, habang nagdagdag si Devin Booker ng 18 points at 6 assists. Tumipa si Deandre Ayton ng16 points at kumalawit ng 11 rebounds, at nag-ambag sina Mikal Bridges at Chris Paul ng tig-12 points.
76ERS 99,
HEAT 79
Nagbalik si Philadelphia’s star center Joel Embiid mula sa injury at ginapi ng re-energized 76ers ang Miami, Heat 99-79, sa Game 3 ng kanilang NBA playoff series.
Hindi naglaro si Embiid sa double-digit losses ng Sixers sa unang dalawang laro makaraang magtamo ng concussion at orbital fracture sa first-round series-clinching win kontra Toronto.
Sa kanyang pagbabalik na nakumpirma lamang bago ang tip-off sa Philadelphia, si Embiid ay kumamada ng 18 points at 11 rebounds at tinapyas ng 76ers ang deficit sa best-of-seven Eastern Conference series sa 2-1.
“I tried to push as much as I can, I’m glad that we got the win,” sabi ni Embiid, na naglaro na may protective mask ngunit halatang iniinda pa ang injury.
Naipasok ni Danny Green ang pito sa kanyang siyam na 3-point attempts tungo sa 21 points para sa Philadelphia. Naitala ni Tyrese Maxey ang lahat ng kanyang 21 points na mainit na second-half performance.
Nanguna si Jimmy Butler para sa Heat na may 33 points. Nagdagdag si Tyler Herro ng 14 mula sa bench ngunit hindi nakaiskor si point guard Kyle Lowry, na nagbalik matapos ang apat na larong pagliban dahil sa hamstring strain.