MAVS KINATAY ANG GRIZZLIES

Luka Doncic

MAG-ISANG na-outscore ni Luka Doncic ang Memphis Grizzlies sa first quarter tungo sa game-high, 32-point performance na naghatid sa host Dallas Mavericks sa 137-96 panalo Linggo ng gabi.

Bumawi mula sa 107-105 road loss sa Phoenix Suns sa Opening Night, naitala ng Mavericks ang pinakamalaking margin sa panalo sa kanilang 105-game all-time series sa Grizzlies. Naiposte ng Dallas ang naunang pinakamalaking blowout, 120-83, noong January 2001.

Nagpasabog si Doncic ng 21 points sa first period, mas mataas ng apat sa nalikom ng Grizzlies sa paghahabol sa 39-17.

Nanguna si Ja Morant para sa Memphis na may 20 points sa 30 minutong paglalaro. Naipasok niya ang anim sa kanyang 12 tira. Tumapos ang Memphis sa 43.0 percent shooting overall, na-outscore, 51-27, sa 3-pointers at nadominahan sa boards, 52-29.

Bucks 125, Rockets 105

Nagbuhos si Giannis Antetokounmpo ng game-high 44 points at pinangunahan ang dominanteng offensive attack nang pabagsakin ng Milwaukee ang Houston sa kanilang home opener.

Bumuslo si Antetokounmpo ng 17-for-21 mula sa floor at kumalawit ng 12 rebounds upang pangunahan ang Bucks, na bumuslo ng 56.5 percent overall at lumamang ng hanggang 27 points. Nagdagdag si Jrue Holiday ng 19 points at 10 assists para sa Milwaukee, na nakontrol ang laro sa pagtarak ng 13-0 lead.

Umiskor si Jalen Green ng 22 points para sa Houston habang nagdagdag si backcourt mate Kevin Porter Jr. ng 18 points, 5 rebounds at 7 assists. Gayunman ay bumuslo sina Green at Porter ng pinagsamang 11 of 34.

Pinangunahan ni Brook Lopez (5 blocks at 2 steals), nalimitahan ng Milwaukee ang Rockets sa 38.7 percent shooting, kabilang ang 20 of 56 sa 2-pointers.

Spurs 114, 76ers 105

Nakalikom si Devin Vassell ng 22 points at tumipa si Keldon Johnson ng 21 habang gumawa ang bisitang San Antonio ng plays na kinakailangan nito sa fourth quarter tungo sa panalo kontra winless Philadelphia.

Abante ang Spurs ng walo papasok sa fourth period bago humabol ang Philadelphia sa 88-87, may 8:04 ang nalalabi. Pagkatapos ay bumanat ang San Antonio ng 15-2 run, na tinuldukan ng isang free throw ni Johnson, may 4:42 ang nalalabi. Hindi na nakalapit ang 76ers ng mas mababa sa 6 points.

Umiskor si Jones ng 17 points, kabilang ang huling walo sa laro. Naitala ng San Antonio ang ikalawang sunod na panalo at nakopo ang unang dalawang laro sa four-game road trip.

Nasa kanyang pinakamagandang laro si Joel Embiid sa taon sa pagkamada ng 40 points at 13 rebounds para sa Philadelphia, na nabigo sa kanilang unang tatlong laro. Nagdagdag si Tyrese Maxey ng 25 points, kumubra si Tobias Harris ng 15 at nagposte si James Harden ng 12 points at 12 assists sa pagkatalo.

Sa iba pang laro ay ginap ng Celtics ang Magic, 126-120; ibinasura ng Pacers ang Pistons, 124- 115; namayani ang Cavaliers sa Bulls, 128-96; dinaig ng Heat ang Raptors, 112-109; pinatahimik ng Nuggets ang Thunder, 122-117; at pinayuko ng Clippers ang Kings, 111-109.