MAVS NATAKASAN ANG WARRIORS

Luka Doncic

NAMAYANI si Luka Doncic sa scoring duel kontra Stephen Curry at pinutol ng Dallas Mavericks ang four-game losing streak sa 116-113 panalo kontra bisitang Golden State Warriors sa rematch ng Western Conference finals noong nakaraang taon nitong Martes.

Tumapos si Doncic na may game-high 41 points na bahagi ng triple-double na kinabilangan ng game highs na 12 rebounds at 12 assists.

Tumipa si Tim Hardaway Jr. ng 22 points para sa Mavericks, kabilang ang isang 3-pointer na nagbigay sa Dallas ng kalamangan, may 1:49 ang nalalabi makaraang kumana si Curry ng sarili niyang go-ahead trey. Nagmintis si Golden State’s Klay Thompson sa 3-point attempt sa buzzer.

Umiskor si Curry ng 32 points para sa Warriors, na naputol ang three-game winning streak.

Clippers 118, Trail Blazers 112

Naitala ni reserve Norman Powell ang 22 sa kanyang season-high 32 points sa fourth quarter upang tulungan ang injury-ravaged Los Angeles na malusutan ang Portland.

Kumubra si Reggie Jackson ng 24 points at 12 assists at gumawa si Robert Covington ng 15 points para sa Clippers na nanalo sa ika-5 pagkakataon sa huling pitong laro.

Nag-ambag si Ivica Zubac ng 12 points at 13 rebounds at kumabig si Terance Mann ng 11 points para sa Los Angeles, na naghabol ng 18 points sa third quarter.

Napantayan ni Anfernee Simons ang kanyang career high na siyam na 3-pointers habang umiskor ng 37 points para sa Portland. Naiposte ni Jerami Grant ang 32 points bago na-foul out para sa Trail Blazers.

Nagsalansan si Jusuf Nurkic ng 13 points, 10 rebounds at 7 assists at nagdagdag si Justise Winslow ng 10 points at 13 rebounds para sa Portland.

Knicks 140, Pistons 110

Nagpasabog si Julius Randle ng season-high 36 points sa loob lamang ng tatlong quarters at pinataob ng bisitang New York ang Detroit.

Nagdagdag si Randle ng 7 rebounds at 5 assists sa loob ng 31 minuto, tumipa sina Quentin Grimes, RJ Barrett at Jalen Brunson ng tig-16 points habang kumamada si Immanuel Quickley ng 15 points para sa New York, na nanalo sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa anim na laro.

Nanguna si Isaiah Stewart para sa Pistons na may 19 points, kabilang ang career-best five 3-pointers. Nagtala sina Bojan Bogdanovic at Marvin Bagley III ng tig-13 points, nag-ambag si Jalen Duren ng 12 at nagdagdag sina Killian Hayes, Cory Joseph at Saddiq Bey ng tig-11.