MAY-ARI, CREW NG 2 BARKO SA ‘PAIHI’ KINASUHAN

PORMAL na kinasuhan ng Bureau of Customs (BOC) ang mga may-ari at crew ng MT Tritrust at MT Mega Ensoleillee na umano’y sangkot sa ilegal na paglilipat ng unmarked fuel o ‘paihi’ sa Navotas Fish Port kamakailan.

Ang kabuuang halaga ng langis at dalawang fuel tankers na nadiskubre ng BOC ay P715,350,000.

Paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, National Internal Revenue Code, at Tax Reform for Acceleration and Inclusion law ang isinampa sa Navotas City Prosecutor’s Office noong Sabado laban sa siyam na crew ng MT Tritrust at 16 mula sa MT Mega Ensoleillee, at hindi pinangalagang may-ari ng mga barko.

Ang mga akusado ay nahuli noong Miyerkoles makaraan ang failed results sa marking testing na isinagawa ng mga ahente ng Enforcement Group-Fuel Marking.

“Clearly, the respondents were engaged in the illegal transportation of undocumented fuel given the results of the fuel marking testing, which resulted in FAIL results and their failure to present a Withdrawal Certificate and other pertinent documents evidencing fuel marking and payment of correct duties and taxes for the fuel in their possession,” anang BOC.

Ayon sa BOC, ang unmarked fuel ay ipinalalagay na ilegal na inangkat.

Base sa diesel fuel inventory ng dalawang barko, ang MT Tritrust ay naglalaman ng humigit-kumulang 320,463 litro habang ang MT Mega Ensoleillee ay may 39,884 litro, ayon sa BOC-Customs Intelligence and Investigation Services.
ULAT MULA SA PNA