MAY EXISTING CONTRACTS NA HEALTH WORKERS PUWEDE NANG LUMABAS NG BANSA

HEALTH WORKERS-2

PINAPAYAGAN na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na makaalis ng bansa ang mga health professional na naisyuhan na ng overseas employment certificates at employment contracts na berepikado ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) noong March 8, 2020.

Ito ang inanunsiyo  kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos ang pagpupulong ng IATF.

“Nadesisyunan po ng IATF ngayong hapon na ‘yung mga health professional na mayoon na pong mga papeles, ibig sabihin ‘yung OEC na issued ng POEA at ‘yung employment contract na verified as of March 8, 2020 ay pupuwede pong lumabas ng bansa,” pahayag ni Roque.

Ayon kay Roque, maaari na ring  lumabas ng bansa ang mga health worker na umuwi lamang ng bansa subalit naabutan ng lockdown dahil sa COVID-19.

“Puwede  na rin pong lumabas ng bansa ang mga balik manggagawa  o ‘yung mga nagbabakasyon lamang sa Filipinas at matagal na pong nagtatrabaho sa abroad,” sabi ni Roque.

Marso nang suspendihin ng POEA ang deployment ng mga health worker  para makaiwas sa COVID-19. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.