BUMILIS pa ang inflation noong Mayo sa likod ng mas mabilis na pagtaas ng commodity prices, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang press briefing, iniulat ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang inflation ay naitala sa 5.4% noong nakaraang buwan, mas mabilis sa 4.9% rate noong Abril at sa 4.1% sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Ito rin ang pinakamabilis magmula noong Disyembre 2018, nang maitala ang inflation sa 5.2%.
Ang inflation rate noong Mayo ay naghatid sa year-to-date figure sa 4.1%, nahigitan na ang 3.9% full-year average noong 2021 ngunit nasa loob pa rin ng 3.7%-4.7% target range na itinakda ng Development Budget Coordination Committee.
Ang inflation rate noong Mayo ay pasok din sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 5.0% hanggang 5.8%.
“Ang dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Mayo 2022 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages. Ito ay may 4.9% inflation at 70.1% share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa,” ani Mapa.
Aniya, ang major contributors sa food and non-alcoholic beverages inflation ay ang mas mabilis na pagtaaa sa presyo ng gulay, tubers, cooking bananas, tomatoes, meat at iba pang bahagi ng slaughtered animals tulad ng pork, gayundin ng isda, partikular ang bangus.