(May kapasidad na 1,700 MW) PSA NG MERALCO AAPRUBAHAN NA NG ERC

MAGANDANG balita sa mga consumer.

Inihayag ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes T. Devanadera sa media ang napipintong pag-apruba ng komisyon sa mga power supply agreement (PSA) ng Meralco na may kapasidad na 1,700 megawatts (MW).

Ayon sa ulat, inaasahang ilalabas ang desisyon bago magtapos ang buwan ng Pebrero.

Ang 1,700 MW na kapasidad na ito ay mula sa competitive selection process (CSP) na isinagawa ng Meralco noong Setyembre 2019.

Bagaman karaniwang tumataas ang presyo ng koryente pagsapit ng buwan ng Pebrero dahil sa buwan na ito nangyayari ang normalisasyon ng presyo ng koryente, maaaring hatakin pababa ng presyo ng generation charge ang presyo ng koryente ngayong buwan. Naging malaki ang papel dito ng mga aprubadong PSA ng Meralco.

Bunsod ng 1,200 MW na kapasidad na nakuha ng Meralco, ang halaga ng magiging bawas- singil ay tinatayang aabot sa P0.41 kada kilowatthour (kWh) sa loob ng 10 taong kontrata nito. Kung susumahin, aabot sa tumatagin­ting na P13.86 milyon ang matitipid ng mga customer kada taon o P138.60 bilyon sa loob ng susunod na 10 taon.

Ang mga generation company na nakakuha ng kontrata para sa supply ng Meralco ay ang mga ­sangay ng San Miguel Corporation, Ayala Corporation, at First Gen Corporation.

Mula naman sa peaking capacity na nakuha ng Meralco na may kabuuang kapasidad na 500 MW, tinatayang aabot sa P4.4 bilyon ang maaaring ma­tipid ng mga customer kada taon o P22 bilyon sa loob ng limang taon na siyang haba ng kontrata.

Para naman sa Meralco, bilang pinakamalaking distribyutor ng koryente sa bansa, ang susunod na pagtutuunan nito ng pansin sa susunod na pag-sailalim nito sa CSP ay ang 1,200 MW na kapasidad na kailangan nito pagsapit ng taong 2024. Sinusuri pa ng Department of Energy (DOE) sa kasalukuyan ang mga termino ng proseso ng nasabing CSP.

Lubos namang ikinagalak ng consumer group na Alyansa ng mga Grupong Haligi ng Agham at Teknolohiya para sa Mamamayan (AGHAM) na pinamumunuan ni dating Congressman Angelo Palmones ang nasabing balita. Aniya, dapat pasalamatan ng mga konsyumer si Devanadera dahil sa lubos nitong pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga konsyumer. AIMEE ANOC

Comments are closed.