(May patong sa ulo na P6.15 milyon) NPA LEADER PATAY SA ENGKUWENTRO

patay

ZAMBOANGA DEL NORTE-NAPATAY sa isang engkwentro sa pagitan ng tropa ng mga sundalo at mga rebeldeng grupo ng itinuturong pinuno ng New People’s Army (NPA) na may patong sa ulo na P6.15 milyon sa nasabing lalawigan.

Ayon kay Western Mindanao Command chief Lt. Gen Corleto Vinluan Jr., kinilala ang napatay na rebel leader na si Leonardo Nabong, alias Otik/Berto/Bonie, dating  secretary at kasalukuyang 1st Deputy Secretary ng NPA  Western Mindanao Regional Party Committee.

Ayon sa 102nd Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Leonel Nicolas, si Nabong ay naging  Executive Committee member ng  Komisyon Mindanao (KOMMID).

Nabatid na ang suspek ay may nakabinbing  warrants of arrest para sa kasong multiple murder at quadruple frustrated murder and damage to government property, at  rebellion charges na inisyu ng  Regional Trial Court, 10th Judicial Region Branch 36 sa Calamba, Misamis Occidental na may  reward na P6.15 million.

Nabatid na nagsasagawa ng combat patrol operation ang mga tauhan ng 44th Infantry Battalion ng Philippine Army nang makasagupa ang isang grupo ng mga rebelde sa ilalim ng Guerilla Front Flex A ng  Western Mindanao Regional Party Committee sa  Purok 2, Barangay ZNAC, Tampilisan, Zamboanga del Norte kamakalawa ng hapon.

Tumagal ng halos isang oras ang bakbakan bago nagpasyang umatras ang mga rebeldeng komunista nang mabaril at mapatay ang kanilang pinuno na positibong kinilala ng isang dating NPA na sumuko sa pamahalaan. VERLIN RUIZ

Comments are closed.