MAY SINTOMAS NG COVID-19 PAPAYAGANG BUMOTO- DILG

IPINAHAYAG ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pinapayagan makaboto ang sinumang indibidwal na may sintomas ng Covid-19 sa halalan sa Mayo 9.

Sinabi ni DILG Undersecretary and spokesperson Jonathan Malaya na layon ng bagong itinatag na normal committee ng Commission on Elections (Comelec) ay tiyakin na magpapatuloy ang local at national elections sa gitna ng pandemya.

Nilagdaan ng DILG, Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd) at ng Department of National Defense (DND) ang resolution upang ipatupad ang new normal plan.

Ayon kay Malaya, sa polling places nationwide ay may COVID-19 symptoms checking process sa lahat ng botante na may sintomas ng sakit at sila ay ilalagay sa isolation polling place.

Sa ilalim ng scheme, magtatalaga ang DOH ng kanilang mga personnel kung saan ay may mga available nang mga gamot na kakailanganin.

Aniya, ang DILG sa pamamagitan ng local government units (LGUs) ay may mga itatayong health stations sa mga polling centers kung saan ay may itinalaga silang mga health officers.

Titiyakin naman ng DepEd na may available isolation polling places sa mga paaralan at polling centers habang ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) personnel ang siya namang magmomonitor sa seguridad sa mga polling areas.

Binigyang-diin ni Malaya, ang mga botante na may Covid-19 symptoms gaya ng lagnat ay dadalhin sa “isolation polling place” ng mga paaralan o polling places nationwide upang makaboto at hindi pauuwiin.

“Suspension of the election is not an option, kaya para masiguro natin na tuluy-tuloy ang ating eleksyon kahit sa harap ng pandemic, kahit tayo ay under a pandemic, mayroon pong binuong New Normal Committee ang Commission on Elections sa pangunguna ni Commissioner Aimee Neri,’’ paliwanag ng DILG official sa Laging Handa briefing. EVELYN GARCIA