MAYNILA KASAMA SA WORLD’S LEAST SUSTAINABLE CITIES

MANILA CITY HALL-2

KASAMA ang Maynila sa halos kulelat o least sustainable city sa buong mundo.

Sa sinagawang pag-aaral, kabilang ang Maynila  sa may 100 lungsod sa buong mundo  na sinuri ng isang banyagang consultancy firm at lumalabas na kabilang ito sa world’s least sustainable cities.

Dahil sa politika at polusyon  kaya  lumilitaw na kasama sa  kulelat ang lungsod ng Maynila sa pag-aaral na ginawa ng isang design and consultancy firm na Arcadis na nakabase sa Amsterdam.

Nabaon sa ika-95 puwesto ang Maynila sa hanay ng 100 lungsod sa buong mundo sa usapin ng kaayusan, kalinisan at ekonomiya base sa lumabas na 2018 Sustainable Cities Index (SCI) report.

Nabatid na binase ang  ranking sa mga lungsod sa mundo batay sa tatlong usa­pin, una ay ang “people factor”, “planet”, at “profit”.

Lumalabas sa “people factor” nasa pang-93 ang Maynila na naglalarawan sa social mobility at kalidad ng oportunidad at kalidad ng pamumuhay sa lungsod.

Para sa “planet factor”, nasa pang-91 ang Maynila dahil sa polusyon at emissions. Sa kasalukuyan lumilitaw na isa ang Maynila sa pinakabulok na lungsod dahil sa nagkalat na basura sa mga lansangan maging sa mga ilog at estero.

Halos kulelat o pang-98 naman ang Maynila kung ang pag-uusapan ay “profit” o ekonomiya kung saan sinuri ang business environment at economic performance ng lungsod.

Nanguna naman sa listahan ng sustainable cities ang London, pumangalawa ang Stockholm at ikatlo ang Edin­burgh. VERLIN RUIZ

Comments are closed.