MATAPOS ang matagumpay na pangangalaga ng Philippine National Police (PNP) sa katatapos na Traslacion 2025 kaugnay sa kapistahan ng Poon Hesus Nazareno, pinaghahandaan naman ng pulisya ang pagtiyak sa seguridad sa gaganaping Peace Rally ng Iglesia Ni Cristo sa darating na Lunes.
Kaugnay nito, sinuspinde ng Malakanyang ang pasok sa tanggapan ng gobyerno at paaralan sa lungsod ng Maynila at Pasay.
Kahapon ay naglabas ng Memorandum Circular 76 ang Malakanyang na nagdeklarang walang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno at paaralan sa lahat ng antas sa mga siyudad ng Pasay at Maynila sa darating na Lunes, Enero 13.
Gayunpaman, ipinauubaya na ng Palasyo sa mga pribadong kompanya kung susundan ang deklarasyon at isuspinde rin ang pasok ng kanilang mga empleyado.
Ito ay ginawa sa gitna ng nakatakdang peace rally ng Iglesia ni Cristo na inaasahang dadagsain ng mga miyembro nito mula sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon.
Layunin umano ng gagawing pagtitipon ng maimpluwensiyang INC sa Quirino Grandstand sa Luneta na suportahan ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hindi na ituloy ang pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment procedure.
Ang pagpapatalsik umano kay VP Sara ay pagsasayang lamang ng oras ng Kongreso at hindi makapagbabago sa buhay ng sinumang Pilipino.
Kaugnay nito, inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na magdedeploy sila ng full contingent ng pulis para siguraduhin ang kaligtasan ng publiko sa ilulunsad na National Peace Rally ng INC.
“Full contingent naman nakabantay sa kanila. They have the right to air their grievances, they have the right to assembly enshrined in the Constitution, so we have no problem with that,” ani Remulla.
Ayon kay Remulla ang gagawing police deployment sa INC rally ay gaya rin sa ibang mga major public event tulad ng nakalipas na Traslacion 2025 sa paggunita ng Feast of Jesus Nazareno sa Quiapo, Manila.
“Of course, like all major [events], katulad kahapon (Huwebes) sa Traslacion, 1,700 policemen were deployed to ensure their protection, the same will be with this rally done this Monday. We’ll send a contingent to make sure that everything is orderly,” dagdag pa ng kalihim.
Samantala, may ulat na makikiisa rin ang Kingdom of Jesus Christ na pinangungunahan ni Pastor Apollo Quiboloy sa National Rally for Peace ng INC sa Quirino Grandstand.
Sa isang pahayag mula sa KOJC, sinabi nilang kinikilala ni Quiboloy ang hakbang ng INC para ipunin ang milyong katao kasama na ang iba pang mga grupo.
Hangad umano nila ang kaliwanagan sa isipan ng mga mamamayan para sa kapayapaan at kaayusan.
VERLIN RUIZ