MEGA-LEISURE PARK ITATAYO SA MAYNILA

ANG Paraiso ng Batang Maynila (PBM) na may sukat na 2,047-square-meter ay gagawing mega-leisure park bilang bahagi sa pagtugon na lumikha ng mas maraming open at green spaces na mae-enjoy ng publiko sa panahon ng pandemya.

Ito ang siyang pinahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna matapos na pangunahan ang groundbreaking ng Phase 3 ng ginagawang pagbabago sa PBM sa harap ng Manila Zoo.

Ang nasabing phase ay binubuo ng playground areas at jogging path pati na rin ng malaking basketball court na mayroong garden at gazebos.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Lacuna si Metro Manila Development Authority chairman Carlo Dimayuga III na kung saan sinagot ng tanggapan nito ang gastusin sa redevelopment ng nasabing lugar na tiniyak naman na magiging sulit ang lahat ng ginastos dito.

Ang park ay magkakaroon ng 200- meter jogging path, 15 lamp posts, 28 bollards, ten benches, 67 spotlights at malawak na landscaping at magkakaroon din ng fountain na paiilawan sa gabi na nasa mismong harapan ng parke.

Magiging karagdagang atraksyon din ang bagong PBM sa newly-rehabilitated Manila Zoo na nakatakdang magbukas sa Nobyembre 15. VERLIN RUIZ