(‘Megalopolis’ serbisyo-publiko ni CGMA) PATULOY NA PAG-UNLAD SA PAMPANGA ASAHAN

pampanga

HINDI mapuputol ng pagbaba bilang kongresista ang hangarin ni dating Pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na ma­tulungan ang bansa partikular ang kaniyang kababayan para sa usaping pagpapalago ng ekonomiya.

Ito ay dahil nagpahiwatig ito na “walang retirement” sa serbisyo publiko.

Sa exclusive interview ng ALIW MEDIA Group, kasama na ang pahayagang ito, PILIPINO Mirror,  kay Gng. Arroyo kasabay nang pagbabasbas sa dalawang landmark ng ika-11 sa­ngay ng Eternal Gardens sa Cabuyao, Laguna, sinabi ng lider ng Kamara de Representantes na tututukan niya  ang pagtulong sa kaniyang mga kapwa Kabalen na patuloy sa pagpapaunlad sa kanilang lalawigan ng Pampanga

Kinumpirma ni Arroyo na kinuha siyang consultant ni Pampanga Gov. Lilia Pineda upang itatag ang “Megalopolis Pampanga” na siyang magiging daan para makalikha ng mas maraming negosyo at industriya sa lugar

Kabilang sa kaniyang mga plano para sa kanilang lalawigan ang “Agropolis” na nakatutok sa sektor ng Agikultura.

“Aquacropolis” para sa pangisdaan, ang pagpapahusay pang lalo sa sektor ng transportasyon at urban planning na siyang nakatuon naman sa impraestraktura.

Magugunitang si GMA na dating pa­ngulo at isang guro sa kursong Economics  ay kilala sa kanyang nilikhang mga proyektong pang ekonomiya at pagpapaunlad gaya ng kanyang Super regions, farm to market road, Pantawid Pamilya Program at maging Pantawid Kalsada Program nang sumirit ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. EUNICE C.