MEKANIKO NADALE NG LIGAW NA BALA SA MALABON

ligaw na bala

KRITIKAL ang isang mekaniko matapos tamaan ng ligaw na bala mula sa baril ng isang farm manager na aksidenteng pumutok habang kanya umanong sinusuri sa Malabon City, ka­makalawa ng gabi.

Kasalukuyang ino­obserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tama ng bala sa dibdib at likod si Arvin De Jesus, 26, ng Talabahan St. Brgy. Baritan.

Nahaharap naman sa kaukulang kaso ang suspek na si Reynante Alcantara, 62, Farm Manager sa Land, Lake, Forest Inc (Mindoro) at residente ng No. 4 llang-ilang Street, Barangay Baritan.

Sa nakarating na report kay Malabon Police Chief Col. Jessie Tamayao, dakong alas-7 ng gabi, dumalo ang biktima sa binyag ng anak na babae ng kanyang kaibigan sa No. 3A IIang-ilang Street, Barangay Baritan nang makarinig sila ng putok ng baril.

Matapos nito, napansin ng biktima na may umaagos na dugo mula sa kanyang dibdib at likod na naging dahilan upang mabilis itong isugod ng kanyang kapatid na babae sa Ospital ng Malabon, subalit inilipat din ito kalaunan sa TMC hospital.

Sumuko sa rumes­pondeng mga tauhan ng PCP-7 ang suspek, dala ang kanyang cal. 9mm pistol, lisensya sa baril, LTOP at sinabi ni Alcantara sa pulisya na habang sinusuri niya ang kanyang baril ay aksidente umano itong pumutok na tumama sa kanilang gate at sa biktima. VICK TANES

Comments are closed.