MENTAL HEALTH NG MGA PULIS INAALAGAAN –CASCOLAN

Camilo Pancratius Cascolan

CAMP CRAME – TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander, Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan na tinututukan nila ang pangangalaga sa mental health ng mga pulis sa gitna ng umiiral na pan­demya.

Ang pagtiyak ay kasunod ng atas ni PNP Chief Police Gen. Archie Francisco Gamboa kay Cascolan na mag-organisa ng Psychologists Corps ng mga pulis sa ilalim ng PNP Health Service.

Aniya, ipinatutupad ang counseling sa mga pulis na dumanas ng problemang sikolohikal na dulot ng matinding stress sa trabaho dahil sa pandemya.

Aniya, mayroong trained psychologists na naka-deploy na sa mga quarantine facility na minamandohan ng PNP gaya sa Philippine Interna-tional Convention Center sa Pasay City sa ULTRA sa Pasig City.

Layunin nitong alalayan ang mga pulis na nakaharap sa mga pas­yente para mabigyan ng guidance habang nasa quarantine.

Bahagi rin aniya ng stress relief program ang pagkakaroon ng 14-day sports at education activities habang nasa quarantine.

Sinabi ni Cascolan na nauunawaan nila na ma­tinding stress ang idinudulot ng umiiral na sitwasyon sa lahat ng apektadong indibiduwal at hindi rin naiiba ang epekto nito sa mga frontliner cops na nag-aalala rin para sa kanilang kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga mahal sa buhay.

CASCOLAN MOTIVATIONAL SPEAKER SA ‘FORM POLICE’

Kahapon ay nagbigay ng inspirasyon si Cascolan sa mga pulis na kalahok sa 30-Day Focused Reformation/Reorientation and Moral Enhancement for Police Officers in Relations with Internal Cleansing Efforts (FORM Police) sa PNP Training School sa Subic, Zambales.

Bilang motivational speaker, ibinahagi ng PNP’s number 2 in command ang kanyang tatlong sangay ng school of thought na lead, mentor at discipline.

Sa kanyang mensahe, sinabi nitong nakalulungkot na mayroong mga pulis na nakompromiso ang serbisyo dahil sa hindi kaaya-ayang asal subalit maaari naman aniyang remedyohan kaya napapanahon ang mga programang itinataguyod ng PNP gaya ng FORM Police.

Naniniwala si Cascolan na malaki ang maitutulong sa organisasyon kung marereporma ang kaisipan at asal ng mga pulis para sa kabutihan at ang kaalamang iyon ay maaaring maipasa ng mga senior sa kanilang mga tauhan.  Layunin ng nasabing programa ay itaas ang morale at kapakanan ng pulisya.

“Nagkakaroon kami ng ganitong programa para sa internal cleansing sa aming hanay,” ayon pa kay Cascolan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.