MULING binuksan ng Manila Electric Company (Meralco) ang programa na may layuning magsanay at magbigay ng pantay na oportunidad sa mga kababaihan na nagnanais maging linecrew bilang bahagi ng pinalawak na Meralco Linecrew Training Program (MLTP).
Ang Meralco ang pinakamalaking electric distribution company sa bansa at isa sa mga kauna-unahang power distributor sa Southeast Asia na nagkaroon ng isang komprehensibo at teknikal na training program para sa linewomen noong 2013.
Simula ngayong buwan ng Mayo, sasailalim ang 15 babaeng trainees sa limang buwang programa kung saan sasanayin silang umakyat sa mga matataas na poste, at tuturuan kung paano mag-kabit at mag kumpuni ng mga linya ng kuryente.
Ayon kay Katherine Bunyi, isa sa siyam na babaeng linecrew ng Meralco na kasalukuyang naka-talaga sa Parañaque Sector: “Ako po ay dating encoder, kaya naisipan ko na maging linecrew sa pagkakataon na maging regular employee sa Meralco. Ang pinaka gusto ko sa aking trabaho ay pagiging challenging nito na hindi pangkaraniwan para sa isang babae. Kailangan ng sapat na kaalaman dito at focus upang magawa ng maayos ang live line works.”
“Hindi maiiwasan ang mga kaakibat na kapahamakan sa trabaho ngunit iba ang saya na naidudulot tuwing nagtarabaho ako sa 20kV kasama ang buong team, at nakakapagbigay ng kuryente sa mga tao. Dahil sa aking trabaho, nakakatulong din ako sa aking pamilya,” ayon naman kay Cristinne Cruz, linecrew ng Pasig Sector.
Ang MLTP ay isang inisyatiba ng Meralco na nagsusulong ng pagkakapantay-pantay at representasyon ng kababaihan sa organisasyon.
Mayroon nang tinatawag na Diversity and Inclusion Policy ang Meralco na mas nagpaigting ng commitment ng kumpanya na isulong ang diversity at magkaroon ng ligtas at inclusive na workplace para sa lahat ng empleyado.
Sakop ng Diversity and Inclusion Policy ang lahat ng aspeto ng negosyo ng Meralco, at ang One Meralco Group kung saan kasama ang mga subsidiaries at affiliates ng Meralco.
“The Company believes that when its people feel respected, valued, and treated fairly, they are more motivated to perform – delivering the Meralco core value of malasakit when serving customers and community,” ayon sa bagong polisiya.
Bukod sa mga inisyatibang ito, mayroon pang ibang programa ang Meralco katulad ng iba pang scholarship programs para sa mga babaeng nais maging bahagi ng organisasyon.
Nitong Enero, kasama ang One Meralco Foundation (OMF), nakipagkasundo ang Meralco sa Don Bosco College-Canlubang upang magbigay ng scholarship sa 15 na kababaihang estudyante na nagnanais maging mahusay na electrical technician.
Ang mga kababaihang estudyante na mapipili para sa scholarship program na ito ay sasailalim sa Technical Vocational Education Training Program para sa dual NC II Program on Electrical Installation and Maintenance and Mechatronics. Ang nasabing programa ay magsisimula sa buwan ng Agosto.
Ang mga inisyatibang ito ay sang-ayon sa United Nations Sustainable Development Goal (UN SDG) 5 on Gender Equality at UN SDG 10 on Reduced Inequalities, at bahagi ng mas malawak nitong programang tinatawag na #MBrace.
Layunin ng nasabing programa na isulong ang pagkakaroon ng isang gender-balanced na organisasyon, kung saan ang mga kababaihan ay maaari ring magpamalas ng kanilang kahusayan. Sa pamamagitan ng #MBrace, hinahangad ng Meralco na mabuo ng kababaihan ang 40% ng kanilang kabuuang workforce bago dumating ang taong 2030.
Noong taong 2020 ay lumagda si Meralco President at CEO Atty. Ray C. Espinosa sa Women’s Empowerment Principles (WEPs) kasama ang libo-libong iba pang mga pinuno ng malalaking kumpanya bilang pakikiisa sa pagsusulong ng mga inisyatiba at programang magbibigay ng oportunidad sa mga kababaihan na umangat sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan.
Ayon kay Atty. Espinosa “Sustainability is woven into the fabric of Meralco’s strategy and operations. As such, we believe that embracing women’s empowerment and promoting gender equality are key to an inclusive and sustainable future as we forge further ahead to powering the good life for all.”