MAGKAKAROON ng pagpupulong sa darating na Linggo ang Metro Manila Council (MMC) na binubuo ng mga alkalde ng bawat lungsod sa National Capital Region (NCR) upang talakayin ang guidelines sa posibleng pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo at memorial parks sa darating na Undas bunsod sa nararanasang pandemya na dulot ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Ito ang napag-alaman kay Paranaque City Mayor at MMC Chairman Edwin L. Olivarez na nagsabing ang tanging pakay sa gagawing pagpupulong ng mga metro mayors ay upang magkaroon sila ng nag-iisang ipatutupad na polisiya sa napipintong pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo at memorial parks sa darating na Undas.
Sa kasalukuyan, ang mga nauna ng nag-anunsyo ng pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo sa kani-kanilang mga lugar na nasasakupan ngayong darating na Todos los Santos ay ang lungsod ng Maynila, Mandaluyong, San Juan, Marikina, Muntinlupa at ang Pateros na nag-iisang bayan sa Metro Manila.
Ayon kay Olivarez, karapatan ng mga lokal na pamahalaan ang maglabas ng kautusan sa naturang pagsasara ng mga sementeryo upang maiwasan ang pagkukumpulan ng mga tao na kadalasang nararanasan at nangyayari tuwing sasapit ang Undas.
Sinabi ni Olivarez na sa kanyang nasasakupang lungsod ng Parañaque ay maglalabas pa lamang siya ng posibleng kaparehong kautusan ng mga naunang lungsod na nag-anunsyo ng pagsasara ng kanilang mga sementeryo dahil kinokonsidera niya na nasa kanyang lugar na nasasakupan ang pinakamalaking pribadong sementeryo sa Metro Manila.
“Ang Parañaque as of now wala pa kasi hinihintay namin ‘yung pag-uusap ng Metro Manila Council, kasi katulad ng nabanggit ko,’ yung mga pupunta sa sementeryo sa amin hindi lang taga-Parañaque kundi all over Metro Manila,” pagtatapos ni Olivarez.
Matatandaan na ang dalawang binabanggit na pribadong sementeryo ni Olivarez ay ang Manila Memorial Park (MMP) at Loyola Memorial Park (LMP) na parehong matatagpuan sa kahabaan ng Sucat Road, Parañaque City.
Sa ating kultura ay nakaugalian na ng mga Flipino na sa tuwing sasapit ang panahon ng Undas ay nagbibigay tayo ng respeto sa ating mga namayapang mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagdarasal, pagdalaw at pagtitirik ng kandila sa kanilang mga puntod na ang kadalasan naman na nangyayari ay nagsisiksikan sa mga sementeryo na taliwas sa ipinatutupad na health at safety protocols na social distancing ng Inter Agency Task Force (IATF). MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.