MGA ANAK BANTAYAN SA PAPUTOK

paputok

PINAALALAHANAN ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak kasunod ng ulat na may mga nabiktima na ng paputok.

Ayon kay Health Secretary Duque, dapat na bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak laban sa paggamit ng paputok upang hindi mapabilang sa maitatala nilang firecracker-related injuries

“Babantayan ninyo ang mga anak ninyo. Huwag na huwag naman kayong papayag na magdadala ng paputok sa inyong mga bahay. Kasi ibig sabihin iresponsable rin kayong mga magulang kung ang inyong mga anak na mga bata ay may naikukubli o naitatagong paputok sa inyong bahay,” panawagan pa ni Duque.

Binigyang-diin  muli ni Duque na ang paggamit ng paputok ay mapanganib at maaaring magdulot ng pagkasugat o kamatayan sa mga gagamit nito.

“Maraming kapahamakan ‘yan. Puwedeng malunok, puwedeng malason, puwedeng ikamatay, puwedeng matetano. O eh bakit pinababayaan ninyo? Huwag kayong mga pasaway dahil ang pagsisisi nasa bandang huli,” payo pa niya

Ipinaliwanag pa ng kalihim na hindi lamang ang kalusugan ng mga bata ang malalagay sa alanganin kung mabibiktima sila ng paputok, kundi maging ang kanilang kinabukasan dahil tiyak aniyang maaapektuhan din ang pagtatrabaho ng mga ito sa hinaharap.

“Kagaya niyan, batang-bata pa ay nadale na agad ang daliri ng kamay. Kahit papaano ang trabaho niyan maaapektuhan ‘pag siya’y lumaki na. Matapos mag-aral, pagka nagtrabaho, kahit paano maaapektuhan, hindi lang visual na wala na siyang daliri. Eh puwede naman itong maiwasan. Huwag tayong pasaway,” ani Duque, na ang tinutukoy ay ang batang naputukan ng 5-star.

Nanindigan rin si Duque na nananatiling ang pag-iwas o prevention pa rin ang pinakamainam na gawin upang hindi mabiktima ng paputok

Iginiit rin niya na kailanman ay walang maidudulot na kabutihan ang paputok, maging legal man ito o ilegal, dahil maaari pa ring magdulot ang mga ito ng disgrasya

“Wala namang kabutihang idinudulot ang paputok. ‘Wag mo na sabihing legal, illegal fireworks. Pare-pareho lang ‘yan. Kalokohan lang ‘yan eh,” aniya pa

“Sundin ninyo, tumalima kayo sa sinasabi ng DOH: Iwas putol, iwas paputok, community fireworks ang patok,” payo pa ni Duque.

Nagsasagawa  ng monitoring sa firecracker-related injuries sa bansa ngayong holiday season ang Department of Health.

Nauna rito, isang 12-anyos na batang lalaki na taga-Nueva Ecija ang iniulat ng Department of Health (DOH) na pinakaunang nabiktima ng paputok.

Gumamit ng 5-star ang biktima at nagpaputok sa kanilang tahanan, ngunit minalas na maputukan sa kaliwang kamay at maputulan ng panggitnang daliri. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.