SI SONNY Aquino ay ang pinakabata sa anim na magkakapatid. Ang ama niya ay isang abogado at ang ina niya ay guro sa isang pampublikong paaralan. Nagtrabaho sa Ayala Group of Companies ang tatay niya at doon ito kumita nang malaki. Galing Ilocos ang mga magulang niya, subalit ipinanganak si Sonny sa Maynila. Nag-aral siya ng high school sa St. Mary’s College at nagtapos ng Economics sa De La Salle University.
Pagkatapos ng kolehiyo, nagsimula nang magnegosyo si Sonny. Ang tatay niya ay abogado na namamasukan sa kompanya ni Ayala. Nang magbitiw ang tatay niya, nagtayo ito ng isang hotel sa Makati. Ipinasa kay Sonny ang pangangasiwa ng hotel at malaking pera ang dumaan sa kanya. Ang masaklap nga lamang, nalugi at nabangkarote ang negosyong ito.
Pagkatapos noon, naging ka-partner niya ang kanyang kapatid. Nagkaroon sila ng tatlong taxi. Sila lang ang nagpondo noon. Subalit napansin ni Sonny na siya lang ang kumikilos; parang lugi siya sa trahabo. Kaya, iminungkahi niya sa kapatid na ibenta na lang ang mga taxi. Nagkaroon siya ng bagong kapartner at pumasok sila sa pagbebenta ng mga RTW na damit pambabae sa Greenhills. Subalit ganoon pa rin; siya lang ang nagtatrabaho. Kaya inihinto niya rin ito. Pumunta naman siya sa pagbebenta ng mga parte ng kotse. Subalit marumi at masyadong mabusisi ang negosyong ito. Ang daming dapat ilista at i-monitor. Kaya, pumunta naman siya sa pagbebenta ng mga sasakyan. Simple lang ang negosyong ito, malinis at malaki ang kita. Nagmay-ari rin siya ng dalawang outlet ng mamahaling inumin sa Mall of Asia at sa Eastwood. Ito na ang mga negosyong pinapanatili niya sa ngayon.
Pumasok si Sonny sa negosyo dahil ayaw niya sa pamamasukan. Walang nagturo sa kanya na magnegosyo. Nakuha ni Sonny ang ugaling pagnenegosyo mula sa mga kamag-anak ng nanay niya na ang marami sa kanila ay mga negosyante. Nagbibigay siya ng unang bunga ng negosyo niya (ang ikapu) sa simbahan. Kaya pinagpapala siya ng Diyos.
Bilang negosyante, naiiba siya sa mga Chino o Amerikano. Ang mga Chino ay may pagkakuripot at ang mga Amerikano naman ay may pagkamaluho. Nasa gitna lang si Sonny.
Napansin ni Sonny na ang mga negosyanteng Filipino ay may pagka-‘small-time’ lang. Ang marami sa kanila ay nagnenego-syong hindi nakatala sa gobyerno. Ang tawag sa kanila ay underground economy. Ang ugali ng ilang Filipino ay kung puwedeng lumusot, lulusot! Halimbawa, iyong mga nagtitinda sa kalye at bangketa ay hindi nagbabayad ng buwis sa gobyerno.
Masisipag naman ang mga Filipino, subalit kulang sa oportunidad. Ang mga Chino at Amerikano ay tila may mas maraming oportunidad na magtagumpay. Ang mga aspeto ng ‘kulturang Filipino’ na balakid sa negosyo ay ang sobrang pakikisama at pag-utang. Dahil sa kumpare o kaibigan ang nagnenegosyo, uutangan nang uutangan ang mga ito hanggang sa maubos na ang paninda ng kawawang negosyante at wala na itong kita.
Ang mga Filipino ay kulang sa exposure sa pagnenegosyo. Sinanay silang maging mga empleyado. Ang mga paaralan sa Filipinas ay hindi nagsanay sa mga Filipino na magnegosyo. May ilang mga magagaling na paaralan sa bansa, subalit ang pagtuturo nila sa mga estudyante nila ay ang maging mga manager o executive na namamasukan sa mga kompanya. Mayroon ding ilang paaralan na ang itinuturo sa mga estudyante ay tila ang ibagsak ang mga kapitalista at namumuhunan. Kaunti lang ang mga eskuwe-lahang nagtuturo ng isip-negosyante sa Filipinas.
Para magtagumpay sa negosyo ang mga Filipino, dapat ay magkaroon sila ng tamang pang-unawa sa negosyo. Dapat silang matuto ng sipag at tiyaga. Dapat ding ma-expose ang mga Filipino sa labas ng bansa para maunawaan kung paanong magnegosyo ang ibang bansa at matutuhan kung paanong pag-ibayuhin ang sarili. Pag-uwi sa Filipinas, magiging mas mabuti na silang mga negosyante. Mahirap kung ang nakikita lang nila ay ang dating mayroon na sila. Hindi sila magbabago kung ganoon. Dapat magkaroon ng kaisipang pala-aral. Dapat ay maging laging handang magbago.
Sa ngayon, ang kakayahan ng mga negosyanteng Filipino ay tila para lamang sa small at medium enterprises (SMEs). Kulang pa ang suporta ng gobyerno. Kapag hindi maaalis ang korupsiyon sa sistema ng pamahalaan, mahihirapang lumaki ang mga negosyong Filipino. Dapat ding magbago ang estilo ng pagtuturo sa mga paaralan. Huwag dapat puro pagsasaulo lang ng impormasyon na hindi naman naiintindihan ang kahalagahan ng mga ito sa pang-araw-araw na buhay, lalo na sa pagnenegosyo. Maganda sana ang araling pangkasaysayan kung ituturo ng mga guro ang mga magagandang ginawa ng mga naunang Filipino na dapat isabuhay, at ang mga kamalian nilang hindi dapat tutularan; hindi lang ang pagsasaulo ng mga petsa ng kapanganakan at kamatayan ng mga bayani. (Ipagpapatuloy)
Comments are closed.