ZAMBOANGA CITY – KUSANG sumuko ang limang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa tropa ng pamahalaan sa lungsod na ito.
Ayon kay Police Brigadier General Froilan Quidilla, regional director ng Police Regional Office sa Zamboanga Peninsula (PRO-9), ang mga ASG fighter ay mula sa Sulu at Basilan.
Sumuko sila sa Provincial Mobile Force Company sa Zamboanga del Sur at kalaunan ay dinala sa PRO-9 headquarters sa Zamboanga City.
Kinilala lamang ang mga bandido sa mga alyas na Arjun, 21; It, 20; Khaifal, 23; Khap Boy, 29; at Mat, 33.
Isinuko din ng mga bandido ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng M14 rifle na may tatlong magazines, M16 rifle na may built-in 40mm grenade launcher, Elisco brand M16 rifle na may isang magazine, dalawang granada, isa pang M16 rifle na may dalawang magazines, M16 rifle na may built-in M203 grenade launcher, at apat na bala para sa grenade launcher.
Ayon kay Quidilla tatratuhing rebel returnees ang lima at isasailaim sa rehabilitation program ng pamahalaan.
Sinasabing nais ng mga bandido na mabago na ang kanilang buhay at makasama ang kanilang mga pamilya nang matiwasay. EUNICE C.