MGA ARMAS NASABAT KAY TSERMAN

MAGUINDANAO-ISANG katutak na matataas na kalibre ng baril at bala ang narekober ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) mula sa isang barangay captain sa operasyong isinagawa kahapon sa Barangay Orandang, Parang sa lalawigang ito.

Sa ulat ni CIDG Director Police Major General Eliseo DC Cruz kay PNP Officer In Charge Police Lt. Gen. Vicente Danao Jr., kinilala ang suspek na si Usop Sanggakala Aron, 53-anyos, incumbent barangay captain ng Brgy Ruminimbang, Barira, Maguindanao.

Inaresto ang suspek matapos pagsilbihan ng search warrant at marekober sa kanyang posesyon ang 6 na M16 rifle na may M203 Grenade Launcher ang isa; isang M14 rifle; isang cal. 380 pistol; 16 na 40 mm grenade; mga magazine at mahigit isang libong iba’t ibang kalibre ng bala.

Ayon kay Cruz, ang suspek ay miyembro ng Tating Sarip Crime Group na sangkot sa gun-for-hire, gun-running at extortion activities sa Parang at Barira, Maguindanao.

Ang suspek at mga narekober na armas ay dinala sa CIDG Regional Field Unit- Bangsamoro Autonomous Region (RFU-BAR) para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso. EUNICE CELARIO