HINIMOK ng isang ranking lady official ng Kamara ng Representantes ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na payagan nang lumabas ang mga bata partikular para makapagpainit sa araw at makapag-ehersisyo basta’t lagi silang naka-face mask, lumalayo sa ibang tao at may nagbabantay na matanda sa kanila.
Giit ni House Asstistant Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Niña Taduran, karamihan sa mga bata ay nakararanas ngayon ng tinatawag na “cabin fever” o nabuburyong dahil sa nakaraang halos tatlong buwan ay ‘nakakulong’ lamang sa loob ng kani-kanilang bahay ang mga ito.
“Children need sun exposure for Vitamin D and stronger immune system. Although they have their gadgets to play at home, children are happier when they can walk, run and ride their bikes outside. the psychological development and well-being of a locked up child is not healthy,” ang sabi pa ng ACT-CIS party-list congresswoman.
Ani Taduran, naghayag na rin ng kanyang opinyon si Dr. Kellyn Conde Sy, na isang Molecular Biology at Biotechnology graduate ng University of the Philippines (UP), na nagsasabing ang ipinatutupad na ‘lockdown’ ay maaaring magdulot ng matinding kalungkutan sa mga bata at ang posibilidad na mawalan din ang mga ito ng kakayahang makatugon agad sa mga hamon ng buhay.
Dagdag ng naturang UP expert, maaari namang limitahan ng IATF ang oras o gawing halinhinan ang araw ng paglabas ng mga bata para makapaglaro, subalit mainam na sila ay laging may bantay na mas nakatatanda..
Bukod sa ehersisyo at paglalaro, kailangan ding payagan nang lumabas ang mga bata kasama ang kanilang magulang o tagabantay para sa mga importanteng bagay tulad ng konsultasyon sa kanilang pediatrician at pagbabakuna, at gayundin ang pagpapasukat ng salamin lalo’t naitakda na ang pagbubukas ng klase. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.