INIHAYAG ng isang Catholic bishop na marapat lamang na pangalagaan at ipagtanggol ang lahat ng mga inosenteng bata at kabataan sa lipunan, gayundin ang pananampalataya, na sinisimbolo ng mahal na Sto. Niño.
Ito ang naging mensahe ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Episcopal Commission on the Laity ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa ginawang pagdiriwang ng banal na misa para sa kapistahan ng Sto. Niño, sa Sto Niño de Tondo Parish sa Maynila nitong Linggo.
Sa kanyang pagninilay, sinabi ni Pabillo, na ang Sto. Niño ay si Hesus na sanggol at si Hesus na bata, at ang ginagawa aniya sa mga bata ay ipinagtatanggol, inaalagaan at pinalalaki.
Kagaya rin aniya ito ng pananampalatayang Katoliko, na sinasagisag at sinisimbolo ng Sto. Niño.
Aniya pa, dapat na palalimin ang pananampalataya sa pamamagitan ng salita ng Diyos, pakikiisa sa simbahan at pagtulong sa kapwa.
Kung magagawa lamang aniya ang tatlong bagay na ito ay maipagtatanggol at lalo pang maipakakalat ang pananampalatayang Katoliko sa ibang tao.
“Ang Sto. Niño ay si Hesus na sanggol, si Hesus na bata, anong ginagawa natin sa mga bata, ipinagtatanggol natin, ipagtanggol natin ang pananampalataya natin, anong ginagawa natin sa mga bata, pinapalaki natin. Ganu’n din ang ating pananampalataya palalimin natin sa pamamagitan ng salita ng Diyos ng pakikiisa sa simbahan, ng pagtulong sa kapwa at ang pananampalataya ay palawakin natin at maaabot pa sana ang iba,” ayon pa kay Pabillo.
Samantala, pormal na ring inanunsiyo ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagtatalaga sa Sto. Niño de Tondo bilang isang Archdiocesan Shrine.
Ang seremonya para rito ay nakatakdang isagawa sa ikalima ng Pebrero, sa isang banal na misa na pangungunahan rin ni Tagle. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.