MGA BAYARIN SA NAIA TATAAS

NAKATAKDANG tumaas ang mga bayarin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA).

Ang pagtaas ay bilang tugon sa substantial capital expenditure na kinakailangan para sa rehabilitation at expansion ng NAIA at dahil sa 160 percent inflation rate sa nakalipas na 24 taon.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang pagtaas ng fees and charges ay nakapaloob sa terms and conditions o napagkasunduan sa pagitan ng DOTr at ng mga kinatawan ng Air Carriers Association on the Philippines (ACAP), Board of Airlines representatives (BARS) at ng Airlines Operators Council (AOC) sa isinagawang consultation meeting noong June 11, 2024, katuwang ang Asian Development Bank, DOTr transaction advisor, at ang NAIA Public -Private Partnership (PPP) projects.

Ayon kay DoTr Undersecretary for Aviation and Airports Atty. Roberto Lim, ang adjustments ay sumunod sa multiple Manila International Airport Authority executive orders, joint circulars mula sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at Republic Act 9485, o ang Ease of Doing Business Act.

Aniya,  kinakailangan ng NAIA ng malaking capital investment upang makamit nito ang acceptable service standard for passengers, at maiangat ang numero ng landing at take-off slots ng mga airline na nag-o-operate sa bansa.

Dagdag pa niya, ang airport fees  ay napako o hindi nagbago magmula pa noong 2000 sa ilalim ng MIAA administrative order no. 1 of 2000, hanggang pandemya.

Binigyang-diin niya na kinakailangan ang rehabilitasyon ng airport at  capital investment upang maitaas ang operational efficiency at maisaayos ang trapiko papasok at palabas  ng airport.

FROILAN MORALLOS